ANG Pilipinas ay tahanan ng mahabang talaan ng katangi-tanging kaganapang lubos na ikinagulat ng mundo. Halimbawa na rito ang mapayapang rebolusyon noong 1986 sa pasya na rin ng noo’y Pangulong Ferdinand Marcos na minabuting lisanin na lamang ang Palasyo kaysa dumanak pa ang dugo.
Dito lang din sa Pilipinas nagkaroon ng dalawang Pangulong ipinakulong kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan nito – at hindi malayong ulitin pa sakaling magtuloy-tuloy ang pag-usig kay Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng libo-libong napaslang sa giyera kontra droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Desidido ang ICC na imbestigahan ang Pangulo, pati ang mga taong kanyang itinalaga para pangunahan ang digmaan laban sa droga.
Minsan nang nagawa ng ICC ang mag-usig at magpakulong ng isang Pangulo. Katunayan, malamig na rehas ang kinasadlakan ng noo’y Pangulo ng Chile makaraang hatulan sa patung-patong na asuntong isinampa sa pandaigdigang husgado.
Maging sa mga bansang Argentina, Yugoslavia, Rwanda, East Timor, Sierra Leone, Iraq, Cambodia, Peru, Congo, Sudan, Libya, Kenya, Tunisia, Egypt, Guatemala, Ivory Coast at Kosovo, walang atubiling inusig ang mga sikat at makapangyarihang personalidad na sinampahan ng kaso sa kanilang husgado.
Kaya naman humuhugong ang balitang nalalapit na ang paghuhukom kay Rodrigo.
Sagot ng Palasyo, malayong mangyari ang gusto ng ICC lalo pa, ani Presidential Spokesperson Harry Roque, wala itong hurisdiksyon sa Pilipinas dahil hindi na ito kasapi o bahagi man lang ng ICC.
Pero iba ang pananaw ng marami, kabilang pa ang mga local at international human rights groups. Anila, wala nang kawala si Duterte. Hindi na rin anila kakayanin pa ng Pangulong makaiwas sa pagharap sa kaso kahit pa ito’y nakaupong Pangulo.
Hay naku… pagpipiyestahan na naman tayo ng mga tsismoso’t tsismosa sa iba’t ibang panig ng mundo na tila ba walang magandang nangyayari sa ating bansa maliban sa patayan at katiwalian.
Ang totoo, sadyang kakaiba ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng mga matalino, mahusay, masipag, maabilidad at hindi magpapatalo sa ano mang pagsubok na dumating dito. Ito ang higit na dapat kuminang sa mata ng buong mundo at hindi ang mga kapalpakang nagbibigay ng malaking kahihiyan sa mga Pilipino.
128
