(CHRISTIAN DALE)
NAHIHILO na ang publiko sa magkaibang desisyon ng local at national government sa polisiya hinggil sa paggamit ng face shield.
Kahapon, binalaan ng Malakanyang ang mga alkalde na sasalungat sa mandatory face shield policy para sa “crowded and enclosed spaces.”
Ang polisiya ay nananatili umanong epektibo maliban na lamang kapag sinabi na ng pandemic task force na tigilan na ang paggamit ng face shield.
Ang paalalang ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay kasunod ng pagpapatigil ng mga lungsod ng Davao, Manila, Iloilo, at iba pa sa polisiya sa labas ng hospital setting.
“Ang desisyon po ng IATF, ay desisyon din ng Presidente. So ang desisyon po ngayon ay kailangan ipatupad muna ang mga face shields habang pinag-aaralan po,” ayon kay Sec. Roque.
“Mayors are under the supervision of the President. Let us follow the chain of command,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Nauna rito, tinintahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang Executive Order No. 42 o ang Non-Mandatory Wearing of Face Shield sa lungsod ng Maynila.
Maliban lamang sa mga hospital, medical clinic, at iba pang medical facilities.
Ang nasabing kautusan ay agad na ipatutupad ngayong araw sa buong lungsod at padadalhan ng kopya ang bawat establisimyento.
Napagdesisyunan ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila base na rin sa mga guidelines na una nang ipinalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) partikular ang pagpapatupad ng Alert Level 2 system sa National Capital Region (NCR).
Nauna na ring nagpahayag si Interior Secretary Eduardo Año na karamihan sa mga miyembro ng IATF ay pabor na huwag nang magsuot pa ng face shield.
Sinabi naman ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos na nagkaisa ang Metro Manila mayors na gawing opsyonal na lamang ang paggamit ng face shield.
“Napagkasunduan namin itong initial position ng Metro Manila mayors to do away with face shields,” ayon kay Abalos.
“Wala na hong face shields maliban lamang sa mga critical areas kamukha ng ospital, kamukha ng health centers… and even ‘yung mga public transport system po natin,” ayon pa kay Abalos.
Ani Abalos, magsusumite ang Metro Manila mayors ng kanilang posisyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbasura ng face shield requirement.
Aniya, suportado nila ang panukala ni Interior Secretary Año na tigilan na ang paggamit ng face shields, maliban sa hospital settings.
Noong nakaraang linggo ay humirit pa ng isang linggong palugit ang Department of Health (DOH) sa IATF, para patuloy na pag-aralan ang guidelines.
Sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na sa gitna ng mga rekomendasyon na alisin na ang paggamit ng face shield sa mga ipinatutupad na health protocols, lalo at bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay marapat na pag-aralan pa rin ito.
“Iyon pong face shields pinag-usapan din po kahapon sa IATF at nag-manifest po ang Department of Health na bigyan pa kami ng isang linggo para patuloy na pag-aralan,” ani Usec Vergeire.
Pagtiyak nito, kaya nila inirekomenda ang paggamit nito noon ay dahil nagkaroon ng basehan at ebidensya sa bisa nito.
Sa ngayon aniya, isinasailalim nila itong muli sa ebalwasyon at sa oras na lumabas na ang resulta nito, ay agad naman silang magkakaroon ng angkop na rekomendasyon sa IATF.
191 