ANO PROBLEMA MO GENERAL PARLADE?

MUKHANG sumosobra na yata sa kalikutan ng kaniyang pag-iisip itong si Army Lt. General Antonio Parlade, ang hepe ng Armed Forces Southern Luzon Command o AFP-Solcom na nakabase sa lalawigan ng Quezon.

Hindi lang isa o dalawa na sablay sa pagbanat sa media itong si Parlarde. Sa sobrang gigil mo ay tila baga ‘over-acting’ o OA ka na sa mga hinaing mo sa amin na nasa industriya.

Naturingan pa man din na Tagapagsalita itong si Parlarde ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sino ba sa tingin mo ang madalas mo makakausap?

Hindi ba kaming mga mamamahayag?

Kulang ka ba sa pansin, ha General?

Bakit mo aakusahan ang mga mamamahayag na taga-suporta ng mga terorista at ang gamit mo pang reperensiya ay ibinatay mo lang sa isinulat na istorya na mula sa mga nakakalap na balita sa tinatawag na ‘beat assignments.’

Ang problema, tinukoy mo Mr. General yung isang reporter at binansagan mo pa na propagandista ng mga terorista.

Hello, General Parlarde!

Alam mo ba kung gaano karaming mga reporter ang naka-assign sa Supreme Court at Department of Justice na sumulat ng kapareho din ng istoryang ginawa ng reporter na si Tetch Tupas-Perez ng Philippine Daily Inquirer?

Marami. Kaya sana hindi lang siya ang pinuntirya mo kundi lahat ng mga reporter na gumawa ng ganun ding storya.

Alin ba ang istoryang binabanggit ko na ikina-init ng ulo ni General Parlade?

Ito yung kainitan ng oral argument sa Supreme Court patungkol sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Law. May dalawang kababayang ‘aeta’ ang nagpetisyon laban sa naturang batas na gusto sana nilang ipawalang bisa sa kataas-taasang hukuman.

Biktima raw kasi sila ng pananakit, pambubugbog, isinilid pa raw sila sa sako, ibinitin patiwarik, pinaso ng sigarilyo at kung ano-ano pa na sa madaling salita ay tinorture diumano ng mga sundalo.

Ang kwentong ito ng dalawang ‘aetas’ ay isinulat nila sa pamamagitan ng kanilang abogado na isinumite sa Korte Suprema sa hangaring pawalang bisa ang Anti-Terrorism Law.

Kung hindi ito totoo, pwede naman sabihin o i-deny ni General Parlarde. Hindi yung mananakot ka na kakasuhan mo ang isang reporter na tagapaghatid lang naman ng balita.

Ang sabi ay nag- apologize o humingi na raw ng paumanhin ang Heneral pero mukhang may sama pa rin ito ng loob dahil mukhang napilitan lang siyang gawin ang kaniyang paghingi ng paumanhin sa Inquirer reporter.

Hay naku General Parlarde. Payo ko lang sa iyo, masarap maging kaibigan ang mga mamamahayag pero masama rin kami na maging kaaway.

Take note. Hindi po ito pagbabanta sa inyo na gaya ng ginagawa mo sa mga kasamahan namin sa trabaho.

560

Related posts

Leave a Comment