Anti-drug war ni Duterte 5-taon na, pero.. DRUG SYNDICATE BUHAY PA RIN

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI tumitigil at buhay na buhay pa ang sindikato ng droga kahit dumadaan sa matinding hirap ang bansa dahil sa pandemya sa COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni House committee on dangerous drug chairman Rep. Robert Ace Barbers kasunod ng pagkakahuli sa isang dating model na nanapak ng traffic enforcer sa Maynila at kalaunan ay nahulihan ng shabu.

“Oo, buhay na buhay ang sindikato ng droga kahit may pandemya,” ayon kay Barbers.

Mga may kaya sa buhay umano ang target ngayon ng sindikato ng ilegal na droga sa bansa.

Base sa mga report, ang dating model na si Pauline Altamirano ay natuklasang drug courier nang maaresto ang kanyang mga kasabwat sa harap ng isang eskuwelahan sa Sampaloc, Manila.

Lumalabas na galing umano sa manliligaw na Chinese ang drogang nakumpiska kay Altamirano na ayon kay Barbers ay indikasyon na tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng sindikato ng droga.

Ayon sa mambabatas, malaki na ang naibawas ng supply ng droga sa kalsada mula nang magkaroon ng anti-drug operation ang gobyerno subalit hindi ito dahilan para itigil ng sindikato at patuloy rin aniya ang smuggling ng droga ng Chinese drug syndicate sa bansa.

“Kahit nabawasan na ang droga sa kalsada patuloy pa rin nag-iisip sila ng mga paraan paano makakabenta at makaka-smuggle dito,” ayon pa sa kongresista.

Dahil dito, hindi umano dapat lumaylay ang kampanya laban sa ilegal na droga at targetin aniya ang mga dayuhan kasama na ang mga Chinese national na nagpapasok pa rin nito sa bansa.
Mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016 ay sinimulan ang kampanya laban sa ilegal na droga kung saan mahigit 5,000 ang napatay na drug suspek sa loob ng halos 5 taon.

Gayunpaman, nabahiran ng kontrobersya ang operasyon dahil maging ang mga inosente ay tinarget umano sa anti-illegal drug campaign tulad ni Kian delos Santos ng Caloocan City.

92

Related posts

Leave a Comment