IGINIIT ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kailangan nang ipasa ang dalawang anti-espionage bills upang mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga nag-eespiya sa bansa.
Ginawa ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang panawagan kasunod ng pagkakahuli ng Chinese spy na si Deng Yuanqing at dalawang Pilipino na kasabwat nito sa pag-eespiya sa bansa mula 2015.
“The arrest of these suspected Chinese and Filipino spies should prompt Congress to immediately pass bills that would expand the coverage of the crime of espionage,” ayon sa kongresista.
Noong nakaraang taon, inihain ng mambabatas ang House Bill (HB) 10983 na magpapalawak sa coverage ng espionage kung saan maging ang paglalabas ng mga classified information na maglalagay sa panganib sa national security, disloyal acts sa panahon ng giyera, pakikipagsabwatan at pagtatakip sa mga spy, pagkuha ng larawan sa pamamagitan ng mga drones at sasakyang panghimpapawid ay ituturing na pag-eespiya.
Nakasaad din sa HB 10988 ang pagbabawal sa pag-eespiya ng ibang bansa sa Pilipinas sa panahong mapayapa at walang nagaganap na giyera tulad ng ginagawa ng nahuling Chinese at dalawang Pinoy na kasabwat nito.
Base mga report, nagsawa ng surveillance ang mga suspek sa military and civilian facilities sa northern Luzon hanggang Bicol region at mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, malls at mahahalagang imprastraktura sa bansa.
Sinabi ni Rodriguez na lubha itong nakababahala kaya kailangan ng bagong batas dahil hanggang ngayon ay ang Commonwealth Act No. 616 na ginawa pa noong June 04, 1941 ang ginagamit ng Pilipinas.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, anim na buwan hanggang anim na taong kulong lamang ang parusa sa mga nag-eespiya sa Pilipinas kaya nais ni Rodriguez na gawin itong habambuhay na pagkakabilanggo at multang P500,000 hanggang P2 million.
(BERNARD TAGUINOD)
