PINAAAMYENDAHAN ng isang grupo ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang batas na nagbabawal sa mga ospital na magdetine ng pasyente o mga labi dahil, sa kabila ng umiiral na batas, patuloy pa rin umano ang ilegal na gawain ng ilang pagamutan lalo na ang mga pribado.
Sa House Bill (HB) 6832 na inakda ng mga kongresista ng Akbayan party-list, layong amyendahan ang Republic Act (RA) 9439 o Anti-Hospital Detention Law upang pabigatin ang parusa sa mga hospital officials na ayaw palabasin ang pasyente o ibigay ang labi ng namatay dahil sa hindi pa nababayarang hospital bills.
Batay sa kasalukuyang batas na ipinatupad noong 2007, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdetine ng pasyente o bangkay, at ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000 o makukulong ng isa hanggang anim na buwan.
Ngunit ayon sa paliwanag sa panukala, patuloy pa rin ang naturang gawain sa iba’t ibang health care institutions. “This ongoing practice not only undermines the intent of the law but also inflicts financial and emotional hardship to Filipino families seeking dignified and compassionate care,” giit ng mga mambabatas.
Dahil dito, iginiit na kailangang amyendahan ang batas at pabigatin ang parusa dahil tila binabalewala na lamang ito ng ilang ospital. Marami pa rin umanong pasyente ang hindi pinapalabas hangga’t hindi nakakabayad ang kanilang pamilya, at maging ang mga labi ng yumao ay hindi agad ibinibigay kapag may naiwang bayarin.
Kapag naisabatas ang panukalang amyenda, itataas sa anim na buwan hanggang dalawang taon ang pagkakakulong ng mga hospital officials, at multang P100,000 hanggang P300,000, mula sa kasalukuyang mas mababang parusa.
Mas mabigat pa ang parusa kung mapapatunayang polisiya mismo ng ospital ang pagdetine ng pasyente—apat hanggang anim na taon na pagkakakulong o multang P500,000 hanggang P1 milyon.
Bukod dito, babawiin ang license to operate ng mga ospital na lalabag nang tatlong beses, probisyong wala sa orihinal na batas at sinasabing dahilan kung bakit nagiging matapang ang ilan sa paglabag.
Gayunman, nilinaw rin na mananatiling obligasyon ng mga kaanak ng pasyente ang magsumite ng mga dokumento bilang katiyakan sa pagbabayad, gaya ng pagsasangla ng ari-arian, guarantee letter, at iba pang kaukulang kasulatan.
(BERNARD TAGUINOD)
89 