ANTI-LANE SPLITTING, DISKRIMINASYON SA RIDERS

TINUTULAN ni Senador JV Ejercito ang dalawang panukala na maituturing na kontra sa kapakanan ng motorcycle riders.

Bilang rider, iginiit ni Ejercito na hindi makabubuti sa kapakanan ng marami ang isinusulong na Anti-Lane Splitting Bill at ang proposed Motorcycle Rider Safety Act.

Sinabi ni Ejercito na lalo lamang magdudulot ng matinding trapik ang mga panukala at makakaapekto sa pagtulong ng mga courier at delivery services sa pag-angat ng ekonomiya.

Ipinaliwanag ng senador na maaaring mas maging delikado sa motorcycle riders ang pagbabawal sa lane splitting kaya’t may mga bansa na ginawa itong legal dahil base sa kanilang pag-aaral, mas ligtas para sa motorcycle riders ang lane sharing.

Sa halip anya na ipagbawal, dapat bumuo ang gobyerno ng mga patakaran para sa ligtas na pagbabaybay ng mga motorsiklo sa dalawang lane sa kalsada.

Maituturing din anyang diskriminasyon sa motorcycle drivers ang panukala dahil magpapataw ng P5,000 multa na malaki na ang maitutulong sa panggastos ng pamilya.

Hindi rin pinaboran ng senador ang pagmamandato sa motorcycle riders na sumali sa accredited clubs para sa registration at license renewal dahil maituturing itong panibagong layer ng burukrasya. (Dang Samson-Garcia)

178

Related posts

Leave a Comment