LAGUNA – Muling namahagi ng P43.1-milyong halaga ng mga libreng gamit pangsaka ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka mula sa Calamba at karatig-bayang sakop ng lalawigan ng Batangas, na kapwa naapektuhan sa pagputok ng bulkang Taal.
Sa isang kalatas ng DA-Calabarzon, inihayag ni regional executive director Vilma Dimaculangan na patuloy nilang tutugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong magsasaka sa hangaring makabangon mula ang kabuhayan ng mga pamilyang nakasandig sa agrikultura.
Aniya, ang mga gamit pansakang kanilang ipinamahagi ay bahagi ng P813.8M pondo sa ilalim ng Taal Rehabilitation and Recovery Program.
Una nang nagbigay ang kanilang tanggapan ng P379.9M halaga ng tulong sa nasabing sektor matapos ang pagputok ng bulkan nitong nakaraang taon. Kabilang sa mga nabibiyayaan ang mga magbubukid mula sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas at Laguna.
Nito lamang nakaraang linggo, muling sinadya ng DA Calabarzon ang mga magsasaka mula sa mga lalawigan ng Cavite at Batangas para sa kanilang ikalawang bugso ng pag-agapay sa sektor ng agrikultura.
“Sana ay mahalin natin ang natanggap ngayong araw. Pagyamanin natin ito para mapalawak ang production area at makamit ang masaganang ani at mataas na kita. Patunay po ang mga ito na sa panahon ng pandemya at kalamidad ay ‘di nagpapabaya ang pamahalaan sa mga magsasaka, mangingisda, at maghahayupan,” pakiusap ni Dimaculangan.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong sa mga magsasaka ay botanical concoction, coffee dryer, multi-cultivator, four-wheel drive tractor, garden tools, grass cutter, greenhouse, hermetic bag for coffee, knapsack sprayer, mesh net, nursery, power sprayer, pruning saw and shear, shredder machine, UV plastic, water plastic drum, wood vinegar, plastic mulch, seedling tray, corn sheller, solar-powered irrigation system, at pagsasaayos ng pump and engine set.
“Noong pumutok ang bulkan ay nasira po ang lahat ng mga tanim namin sa halos limampung ektaryang sakahan kaya nangutang na ang iba sa amin para makapagtanim uli. Kaya sobra kaming nagpapasalamat sa mga ibinigay ng DA. Malaking bagay ito sa mga magsasaka dahil libre namin itong natanggap. Makakapagsimula na ulit kami,” pahayag naman ni Jose Nestor Lansanas na tumatayong pangulo ng Calamba Vegetable Growers Marketing Cooperative. (CYRILL QUILO)
475 