Apela kina Marcos at Duterte TAUMBAYAN ‘WAG IDAMAY SA AWAY

HINDI dapat idamay ng mga Duterte at Marcos ang sambayanang Pilipino sa kanilang away dahil sa kapangyarihan.

Ito ang panawagan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa dalawang kampo at sa halip mag-away ay bigyang atensyon ang mga problemang kinakaharap ng mamamayan tulad ng pagtaas na presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas.

“Dinadamay pa nila ang masang Pilipino sa away nila (Marcos) sa mga Duterte para sa kapangyarihan,” pahayag ni Manuel.

Ayon sa mambabatas, hindi ang Mindanaoans ang makikinabang sa plano ni Duterte na simulan ang paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas matapos sumabog ang galit nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Hindi aniya masasagot sa pagkalas sa Pilipinas ang mga problema ng Mindanao sa kahirapan, armadong tunggalian, pandarambong sa kalikasan bagkus ay panlilinlang umano ito ng dating Pangulo sa kanyang mga kababayan.

“Di na siya nakonsensya. Ang kailangan ng Mindanao at ng buong Pilipinas ay mahahalagang repormang sosyo-ekonomiko: tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, maayos na serbisyong panlipunan, at iba pa – mga bagay na di naman tinugunan ni Duterte noong Pangulo siya,” ayon sa mambabatas.

Kapangyarihan din ang aniya dahilan kung bakit isinusulong ng Marcos administration ang Charter change (Cha-cha) sa pamamagitan ng People’s Initiative dahil kasama sa planong aamyendahan ay ekstensyon ng mga politiko sa kanilang pwesto.

Pampamilyang dahilan lang din umano kung bakit tinututulan ng kapatid ni Marcos Jr., na si Senator Imee ang Cha-cha at hindi para sa kapakanan ng mamamayan at bansa sa kabuuan.

“Tinututulan ni Senator Imee Marcos ang Cha-cha via people’s initiative for the wrong reasons. Ayaw niya sa people’s initiative kasi bumabangga ito sa ‘redemption arc’ ng mga Marcos,” ayon pa sa kongresista.

(BERNARD TAGUINOD)

231

Related posts

Leave a Comment