UMAPELA ang ilang Obispo sa mga opisyal ng gobyerno at pribadong concessionaire, ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), na agad suspendihin ang pagpapatupad ng across-the board hike sa mga bayarin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) epektibo Setyembre 14, at sa halip ay nanawagan para sa kung anong ‘tunay at inklusibong konsultasyon’ sa lahat ng stakeholder sa industriya ng aviation.
Ginawa ang apela sa isang “Concelebrated Mass for Guidance, Truth, and Accountability for aviation industry officials,” sa Pasay City, na pinangunahan nina Bishops Ben Labor, Aldrin Lleva, at Agustino Tangca.
Sa kanilang homiliya at magkasanib na pahayag, binigyang-diin ng mga Obispo na ang kapakanan ng publiko ang dapat na unahin kaysa tubo ng pribadong kumpanya.
Umapela rin sila sa Korte Suprema na pansamantalang i-freeze ang lahat ng bayarin na itinaas sa NAIA upang linawin muna ng kinauukulang partido ang mga balik sa naturang pagtaas sa travel tax, parking fees, stall at office rentals, paggamit ng airline ng parking at runway, ticket charges bukod sa iba pa at para sa transparency at kaakibat na pananagutan.
Nauna nang hiniling ng mga manggagawa sa paliparan, civic organizations at non-government groups sa Korte Suprema na ideklarang labag sa konstitusyon ang NAIA PPP project dahil sa pagtaas ng airport-relate fees.
(JOCELYN DOMENDEN)
187
