HINILING ni ACT-CIS Party-list Representative Rowena Niña Taduran at mga kagrupo nito sa Kamara na bilisan ng pamahalaan ang pag-aksyon sa problema ng mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi makauwi ng bansa dahil sa pinalawig na travel ban bilang pag-iingat sa Delta variant ng COVID-19.
Ang kahilingan ay bunsod ng pagdulog sa tanggapan ng mambabatas ng may 4,500 naipit na OFWs mula sa United Arab Emirates.
“They are already losing a lot of money and they have nowhere to go. They are depressed and exasperated. Ang problem pa-rebook sila ng pa-rebook ng flight, at ang visa expired na. We need to bring them home to their families,” ani Taduran.
“Mayroon namang Covid test at 7-day quarantine sa hotels sa mga OFWs, bakit hindi natin sila pauwiin? Masisigurong wala na silang dalang virus pag-uwi ng kanilang bahay kung naobserbahan na sa loob ng pitong araw sa quarantine facilities. Hindi ba, itong 17 na balikbayan na may Delta variant, natuklasan lang na may dala silang ganito nang ma-quarantine at ma-test sa accredited facilities? So why can’t we do this for the other OFWs who are coming from the banned countries?” tanong ni Taduran.
Ang mga biyahero na nanggaling sa UAE, India, Pakistan, Nepal, Sri Lanka, Bangladesh, Oman, at United Arab Emirates ay binawalang makapasok sa bansa hanggang Hulyo a kinse upang maiwasan ang panibagong variant ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mambabatas na tutulungan nilang makauwi ang mga apektadong OFW at sisimulan ito sa pagpapabalik sa tinatayang 300 OFW sa July 10, 2021.
Ang ACT-CIS party-list ay nagsusulong sa karapatan at pangangailangan ng mga manggagawang Filipino sa ibayong-dagat sa pagtutulungan nina Reps. Taduran, Jocelyn Tulfo at Eric Yap. (CESAR BARQUILLA)
155 