Appointment sa OMB hinarang ng Maisug IMPEACHMENT NI VP SARA TARGET NI REMULLA

KINALAMPAG kahapon ang Korte Suprema ng grupong Maisug upang tutulan ang posibleng pagtatalaga kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang susunod na Ombudsman.

Binigyang-diin ni Parkba Pangaliwan, lider ng grupo, hindi dapat mapwesto sa Ombudsman si Remulla dahil siya ay tuta o bata ng kasalukuyang administrasyon.

Nakahihiya aniya ang isang politiko o isang malapit sa Pangulo na maging Ombudsman para lang magnakaw sa kaban ng bayan.

Sinabi pa ni Pangaliwan na ang layunin ng pagtatalaga kay Remulla sa Ombudsman ay para lamang ma-impeach si Vice President Sara Duterte at maprotektahan ang mga totoong magnanakaw at buwaya sa gobyerno.

Dagdag pa, kung si Alice Guo, Pastor Quiboloy at dating pangulong Rodrigo Duterte ay madali anilang naaresto, pinuna ni Pangaliwan kung bakit hindi kayang arestuhin ng gobyerno ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.

Shortlist nasa Palasyo na

Kahapon ay naisumite na ng Judicial and Bar Council (JBC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang shortlist ng pitong kandidato para sa posisyon ng Ombudsman.

Kabilang sa listahan sina Philippine Competition Commission chairperson Michael Aguinaldo, retired Court of Appeals Justice Stephen Cruz, Supreme Court (SC) Associate Justice Samuel Gaerlan, Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Anna Liza Logan, retired SC Justice Mario Lopez, Sandiganbayan Associate Justice Michael Frederick Musngi at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Ang mapipiling opisyal ay papalit kay dating Ombudsman Samuel Martires, na natapos ang termino noong Hulyo 27.

Ang bagong Ombudsman ay manunungkulan ng pitong taon na walang reappointment.

(JULIET PACOT)

20

Related posts

Leave a Comment