PORMAL nang nanumpa si Governor Marisol ” Sol ” Castillo Aragones- Sampelo bilang punong lalawigan ng Laguna pasado alas-3:35 ng hapon ng Miyerkoles sa Cultural Center ng Kapitolyo sa Sta. Cruz, Laguna.
Nanumpa siya kay Quezon Province Governor Dra Helen Tan na sinaksihan nina Vice Governor JM Carait at mga nanalong Sangguniang Panlalawigan. Dumating din ang mga alkalde ng lalawigan.
Sa kanyang pagdating, sinalubong si Gov. Aragones ng kanyang Administrator na si dating mayor Jerry Pelayo at ilang opisyal ng Kapitolyo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Aragones na ang dahilan ng kanyang pagtakbo noong 2022 bilang gobernadora ay ang kanyang karanasan nang magkasakit ang ama at doon niya naramdaman na kawawa ang mahihirap na kababayan kapag nagkasakit ang pamilya.
Natalo man noon, hindi siya sumuko at muling tumakbo ngayong 2025 para sa kapakanan ng kalusugan ng mahihirap na pamilya at hindi siya nabigo kaya sa unang araw ng kanyang panunungkulan bilang gobernador ng lalawigan ng Laguna, agad niyang nilagdaan ang Executive Order no. 1 na nag-aatas na mahigpit na ipinagbabawal ang magtaray ang mga kawani ng lalawigan sa mga pampublikong tanggapan partikular na sa mga pampublikong ospital.
Sa kanyang ikatlong araw ng panunungkulan, sinimulan na ni Governor ang Akay Sol Mobile Botika na namamahagi ng libreng maintenance na gamot sa apat na distrito ng lalawigan ng Laguna sa mga may sakit na diabetes, high blood, cholesterol at iba pa.
Nagsimula ang pamamahagi ng libreng gamot sa Barangay Canlalay Binan City, Barangay 6A San Pablo City, Barangay Bubukal, Sta Cruz at Barangay Real, Calamba City na pinondohan ng Akay ni Sol party-list.
Sinabi naman ni Governor Aragones na sa buwan ng September ay tinitiyak niya na pondo na ng Kapitolyo ang gagamitin dito at sa buwan ng Nobyembre kumpleto na ang Akay ni Sol Mobile Botika sa mga lungsod at munisipalidad ng Laguna.
Itutuloy rin aniya ni Aragones ang nasimulan ng nakaraang gobernador na scholarship sa mga kabataan at kanila pa itong dadagdagan.
Nananawagan din si Gobernadora Aragones sa mga kawani ng lokal na pamahalaan na huwag maging loyal sa kanya kundi dapat maging loyal sa mga kababayan ng Laguna.
Hindi aniya papayag ang gobernadora na mapunta sa bulsa ang pondo ng Laguna at dapat ito ay mapunta sa social services at serbisyo sa mga nangangailangan.
Nagpasalamat naman si Governor Aragones kay Administrator Pelayo na hindi siya iniwan at nagbigay ng pag-asa sa kanyang pagtakbo sa ikalawang pagkakataon bilang gobernadora ng lalawigan ng Laguna.
(DANNY BACOLOD)
