ANGONO, Rizal – Tuluyan nang idineklarang drug-free ang baybaying lokalidad na higit na kilala bilang Art Capital of the Philippines, ayon mismo sa Calabarzon Regional Oversight Committee on Barangay Drug-Clearing Operation at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang kalatas, binigyang-diin ni Acting Mayor Gerardo Calderon na wala pa rin puwang ang pagdiriwang lalo pa’t higit na mahirap ang pagpapanatili sa loob ng naturang estado.
Kasabay nito, hinimok niya ang lokal na pulisya na ipagpatuloy ang kampanya laban sa paggamit at kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Hinikayat din niya ang bagong talagang Angono police chief, Major Henry Villagonzalo Jr. na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa force multipliers at 10 barangays na saklaw ng lokalidad, habang isinasaayos pa ng Angono LGU ang isang kasunduang magbibigay-daan para sa magkaroon ng CCTV cameras sa lahat ng sulok ng bayan.
Nanawagan din si Calderon sa publiko na maging alisto, kasabay ng hiling para makibahagi sa kolektibong pagkilos laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
“Masaya kami na drug-free na ang buong Angono. But that does not give us the reason to be complacent. In fact, we find it rather more difficult to sustain what we have collectively attained,” ani ni Acting Mayor Calderon sa pagpupulong ng Municipal Peace and Order Council (MPOC).
Samantala, binigyang pagkilala naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Angono makaraang makasungkit ng gradong 98% sa pinakahuling performance audit report kaugnay ng kampanya kontra droga.
Unang idineklara bilang “drug-free barangays” ang Kalayaan, Poblacion Ibaba, San Roque, Sto. Niño at Bagumbayan. Sumunod naman ang mga Barangay ng San Pedro, Mahabang Parang at Poblacion Itaas. Ang Barangay San Vicente at San Isidro ang huling na-validate. (ENOCK ECHAGUE)
326 