ASF KALAT NA SA MINDANAO

DISMAYADO ang isang mambabatas sa pagkalat ng African Swine Fever sa maraming bayan sa Davao Occidental na posible umanong makaapekto rin sa iba pang lugar sa Mindanao.

Pahayag ni Magsasaka Party-list Representative Argel Cabatbat noong nagpatawag ng House Probe para imbestigahan ang disease outbreak, “Ipinangako ng mga kinauukulan na hindi kakalat ang sakit sa labas ng Luzon, mapananagot ang mga may kinalaman dito at matutulungan àng mga kababayan nating napinsala ang kabuhayan. Parang hindi ito ang nangyari, at sa mga balita nitong nakaraang araw kung saan lumala pa ang sitwasyon”.

Sinabi ng mambabatas na kaisa siya sa mga nananawagan ng mas malawakang imbestigasyon sa sitwasyong ito na kailangang busisiin nang mabuti kung anong mga pamantayan ang inilatag ng mga ahensiya ng gobyerno para hindi lumala ang sitwasyon kung alin ang mga naipatupad at alin ang mga hindi nasunod. Kailangang managot ang mga kinauukulan na hindi ginampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin.

“Ang katotohanan at katapatan sa impormasyon ay mahalaga upang kaming mga mambabatas ay makapagpasa ng mga solusyon na kinakailangan para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng ASF. Hindi ito isang uri ng paninisi, gaya ng sinasabi ng iba, kundi isang pagtupad sa mandatong ibinigay sa atin ng publiko,” ani Cabatbat.

Nilinaw ni Cabatbat na suportado rin nito ang panawagan ni DAR Secretary William Dar na magkaroon ng karagdagang pondo para sa hog farmers na apektado ng sitwasyon.

Sa gitna ng napakaraming banta, gaya ng posibilidad na pagkalat ng H5N1 sa mga manok na nakaaapekto rin sa kalusugan ng tao, hindi maaaring dagdag na pondo lamang ang sagot sa bawat problemang kakaharapin ng bansa. Nauubos ang pera, at mas nakapanghihinayang kung mapupunta ito sa mga tao, ahensiya, at polisiyang hindi nakatutulong o mas nakalalala pa sa sitwasyon, dagdag ng mambabatas.  CESAR BARQUILLA

457

Related posts

Leave a Comment