KINUMPIRMA ng Department of Agriculture (DA) na sinaklaw ang buong rehiyon ng Bicol ng African Swine Fever (ASF) makaraang magkaroon na rin nito sa Masbate.
Dahil dito, inaasahang bagsak ang negosyo ng baboy sa Bicol.
Batay sa ulat na linagdaan ni DA – Bicol Region executive director Rodel Tornilla, natukoy na nanggaling ang bagong kaso ng ASF sa mga baboy na pag-aari ni Aroroy Mayor Arturo Virtucio.
Walang detalye ang ulat ni Tornilla hinggil sa ASF mula sa babuyan umano ni Virtucio.
Mula rito, nadagdagan ng isa pa ang 37 lalawigang nagkaroon ng ASF mula noong 2019.
Batay sa impormasyon ng DA, sa Camarines Norte noong Hulyo 2020 unang nagkaroon ng mga baboy na mayroong sakit na ASF sa Bicol. Sumunod noong Setyembre sa Albay.
Noong Disyembre naman nagkaroon ng ASF sa Catanduanes at nitong Enero sa Sorsogon.
Matatandaang tinukoy ni DA Secretary William Dar noong Enero na ASF ang dahilan ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng karne ng baboy mula 2020 hanggang kasalukuyan.
Kamakailan, tiniyak ni Dar na sinimulan nilang aksyonan ang problema sa ASF, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “Bantay ASF” sa bawat barangay.
Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang pamemerwisyo ng ASF sa maraming lalawigan, batay sa mga naunang pahayag ni Dar. (NELSON S. BADILLA)
193
