Ni ANN ENCARNACION
KABUUANG 15 gintong medalya ang hinakot ng Pilipinas sa Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Hanggang sa huling araw ng torneo Biyernes ng gabi ay namayagpag ang mga batang Pinoy weightlifters nang humablot ng 3 golds ang 17-anyos na si Vanessa Sarno.
Bumuhat siya ng kabuuang 230kg. — 100kg. mula sa snatch at 130kg. sa clean and jerk para angkinin ang korona sa Junior women’s 71kg.
Naunang nagwagi sina Angeline Colonia (2 ginto at 1 pilak, Youth women’s 40kg.); Rose Jean Ramos (3 golds, Youth women’s 45kg. at 1 gold, 1 silver, at 1 bronze, Junior division); Rosalinda Faustino (3 golds, Youth women’s 49kg.); at Rosegie Ramos (3 golds, Junior women’s 49kg.), habang si Prince Keil delos Santos (2 bronzes, Youth men’s 49kg.).
Si Sarno ay nakapagbulsa rin ng gold medal mula sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam noong Mayo, kung saan nagtala siya ng bagong rekord sa snatch (104kg.), clean and jerk (135kg.) para sa total 239kg.
Noong 2021 Asian Championships na ginanap din sa Tashkent, sumungkit siya ng silver sa snatch (101kg.) at gold sa clean and jerk (128kg.) para sa kabuuang (229kg.).
Incoming Grade 11 sa Bohol Institute of Technology International College, si Sarno ay unang nagsanay sa gym ng dating national weightlifters na sina Nicolas Jaluag at asawang Liza Danao sa bayan ng Dauis, Tagbilaran.
“I am happy that she won three gold medals in Uzbekistan. Her success is a product of hard work,” sabi ni Jaluag, bronze medalist sa 2001 SEA Games at naging parte ng national coaching staff noong 2012 edition.
Unang nagpakitang gilas si Sarno nang manalo ng gintong medalya sa 32kg. noong 2013 Batang Pinoy National Finals sa Bacolod City, Negros Occidental, na nasundan agad ng international competition sa Indonesia.
205 