ISKEDYUL NGAYON:
(SMART ARANETA COLISEUM)
12:00 NOON – NU VS FEU (MEN FINALS)
4:00 P.M. – UST VS ATENEO (WOMEN FINALS)
(PHOTO BY MIKE ROMERO)
SISIKLAB ngayong hapon ang giyera sa pagitan ng Ateneo Lady Eagles at UST Tigresses sa Game 1 ng kanilang best-of-three championship series ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament.
Ang gametime ay alas-4:00 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Inaasahang magiging mahigpitan ang sagupaan dahil kapwa gutom sa korona ang Lady Eagles at Tigresses.
Nangako si Ateneo head coach Oliver Almadro na magandang laban ang masasaksihan sa kauna-unahang Finals meeting nila ng UST.
“We will give them a beautiful game, yun ang samin,” lahad ni Almadro.
Paborito ang Lady Eagles laban sa Tigresses, dahil winalis nila ang UST sa elimination round ngayong season at nagwagi ng 14 sunod na matches sa nakalipas na pitong taon ng paghaharap.
Pero, para kay Almadro, walang halaga ang mga iyon, dahil batid niyang ang Tigresses ay punum-puno ng kumpiyansa bunga ng six-game winning streal.
“Alam naman natin sa umpisa pa lang yung firepower ng UST. Tapos they are well-rested, so yun ang advantage,” ani Almadro, na nakatuon sa kanyang unang titulo bilang coach ng Ateneo, matapos niyang bigyan ng tatlong sunod na korona ang men’s team.
Teamwork naman ang muli’y sasandalan ng Tigresses para mabigyan ng maganang exit si team captain Sisi Rondina.
Dahil kilala ang Lady Eagles na mahusay sa blocking, umaasa si UST coach Kungfu Reyes na malalampasan nila ito sa pamamagitan ng iba nilang skills.
“Against Ateneo we expect to have a hard time in our attacks because they have taller players. But in terms of skills we are up there with them and we would not allow ourselves to be dominated,” lahad ni Reyes.
Samantala sa men’s division, sisimulan rin ng naghahangad ng back-to-back title na National University at FEU angkanilang best-of-three series sa alas-12:00 ng tanghali.
