Atienza, iba pa inupakan BULAG-BULAGAN SA ABS-CBN VIOLATIONS

NAGBULAG-BULAGAN at nagbingi-bingihan ang ilang mambabatas tulad ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa mga paglabag ng ABS-CBN Corporation sa kanilang prangkisa at maging sa Saligang Batas.

Ito ang buwelta ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano kay Atienza dahil sa plano ng mga ito na bigyan ng panibagong prangkisa ang nasabing network kahit hindi pa nagsagawa ng reporma upang itama ang kanilang pagkakamali o paglabag sa batas at maging sa kanilang prangkisa.

“The problem with some of them pushing katulad ni Congressman Atienza, nagbubulag-bulagan at bingi-bingihan sa mga violations ng ABS CBN, tinatawag pa niyang mistrial. Kita nyo, exhaustive ‘yung hearing, whether we agree or not with the penalty which is hindi ibinigay ‘yung franchise, sineryoso namin yung violation,” ani Cayetano.

Isa si Atienza, ama ng isa sa mga talent ng ABS-CBN na si Kim Atienza sa mga kritiko ni Cayetano sa Kamara at nagsabi na isusulong nito na bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Kasama rin sa mga nakatakdang maghain ng panibagong panukala para pagkalooban ng 25 year franchise ang ABS-CBN ay si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto na ina naman ng isa rin sa mga talent ng nasabing network na si Lucky Manzano.

Subalit ayon kay Cayetano, bagama’t desisyon na ito ng liderato ni Velasco, hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga natuklasang paglabag sa batas ng nasabing network na naging dahilan para ibasura ang kanilang aplikasyon noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga naitalang nilabag ng ABS-CBN ang Labor Law dahil 80% sa mga empleyado ng mga ito ay contractual employees kahit dekada nang nagtatrabaho sa kanila, pagbebenta ng Philippine Depository Receipts (PDR) na labag sa Saligang Batas, pagiging American citizen ni Gabby Lopez, hindi pagbabayad ng tamang buwis, pagbebenta ng black box, pag-angkin sa lupang pag-aari ng gobyerno at marami pang iba.
“Yung mga issues na lumabas sa hearing na either dinenay o tinanggap ng ABS, ano yung mga reporma at ano yung mga pagbabagong gagawin nila, para hindi ito maulit?,” tanong pa ni Cayetano.

Kahit pa nagpalit na aniya ng leadership ang nasabing network ay kailangang gumawa ang mga ito ng paraan para itama ang kanilang paglabag sa batas dahil kung hindi ay mauulit at mauulit ito.

Unang sinabi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na kapag binigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN nang hindi muna itinatama ang kanilang pagkakamali ay parang iko-cover-up ng Kongreso ang atraso ng network. (BERNARD TAGUINOD)

292

Related posts

Leave a Comment