ATIN ANG WEST PHILIPPINE SEA

HINDI sapat ang salitang nakalulugod para ­ilarawan ang matalim na pahayag ni ­incoming President Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa ­usapin ng West Philippine Sea.

Aniya, hindi pahihintulutan ng kanyang ­administrasyon ang matabasan o sakupin ng mga dayuhan ang kahit isang metro-kwadrado ng teritoryong minsan nang napatunayang talagang bahagi ng bansang Pilipinas.

Hulyo 2016 nang katigan ng United Nations Tribunal ang karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryong pasok sa exclusive economic zone ng bansa. Ayon sa UN, walang legal na basehan ang China sa giit na nine-dash-line na basehan ng kanilang pag-angkin sa buong South China Sea.

Ang totoo, ang South China Sea ay isang ­navigational route – bukas sa lahat ng ­sasakyang dagat sa paghahatid ng mga kalakal. ­Gayunpaman, mayroon din naman talagang sadyang pasok sa China – ito yaong 30 nautical miles na sakop ng kanilang exclusive economic zone.

Ang kapasyahan ng UN Tribunal mismo ang basehan sa likod ng pinaninindigang polisiyang inihayag ng susunod na Pangulo, kasabay ng giit na mananatiling atin ang sa ganang atin.

Aniya, walang inaangking teritoryo ang ­Pilipinas, bagkus, ang giit ng pamahalaan ng Pilipinas ay mapanatili ang karapatan at ­soberanyang kalakip sa ating sakop na teritoryo batay sa mga pamantayang nilagdaan ng mga bansang kasapi ng UN.

Taliwas din ang paniwala ni Marcos sa polisiya ng paretirong si Pangulong Rodrigo Duterte na minsang nagsabing “walang kwenta ang papel kung saan inilimbag ang desisyon ng tribunal.”

Sa bagong polisiyang kasabay na magkakabisa sa hudyat ng pagtuntong ni Marcos Jr. sa Palasyo, umaasa ang mga mangingisdang Pilipino na matutuldukan na rin ang pambabarako at pagtataboy sa kanila ng mga dambuhalang sasakyang dagat ng bansang China sa tuwing pumapalaot sa West Philippine Sea para sa kanilang tanging kabuhayan – ang pangingisda.

Bukod sa mga mangingisda, higit na malaki ang magiging bentahe ng Pilipinas sa planong “oil exploration” sa ilang bahagi ng Spratlys na pasok sa West Philippine Sea.

‘Pag nagkataon, hindi na natin kailangan pang umangkat ng langis sa ibang bansa, bukod pa sa mga natural gas na nagbibigay kuryente sa sambayanan.

143

Related posts

Leave a Comment