ATM NG 4Ps ISINASANGLA?

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

TAONG 2008 nang simulan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ang layon ay mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagtiyak na makatatapos ng basic education ang mga batang anak ng mga mahihirap.

Noong unang ipatupad ang programang ito, 330,000 ang beneficiaries at habang tumatagal ay pataas nang pataas ang kanilang bilang dahil 4.4 million pamilya na ang mga ito pero ayon sa report mismo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), 1,010,464 lamang ang nakaahon sa kahirapan.

Ang susuwerte ng 4Ps beneficiaries dahil bukod sa pinansyal na tulong, libre pa ang kanilang bigas pero ang dami kong kakilala na beneficiaries na nananatiling mahirap kahit ilang taon na silang nakatatanggap ng ayuda dahil hindi naman nag-aaral sa kolehiyo ang kanilang mga anak pagkatapos ng kanilang basic education.

Ang malungkot na katotohanan din ang ground na hindi nakararating sa national government, ay marami ang nagsasangla raw ng kanilang 4Ps-ATM dahil hindi naman buwanan nila natatanggap ang ayuda kundi tuwing ikatlong buwan daw.

May mga local DSWD daw ang nagsasagawa ng surprise inspection sa beneficiaries para alamin kung hawak nila ang kanilang ATM at ang dami raw nilang nahuhuli na wala sa kanila at ang ibig sabihin nun ay nakasangla na.

Kung totoo ito, ‘yung mga mayayaman o may kaya sa buhay kung saan isinasangla ang ATM, ang nakikinabang din sa programang ito dahil marami sa beneficiaries ang ayaw nang magtrabaho dahil may inaasahan silang ayuda mula sa gobyerno.

Ang programang ito ay pandagdag lang sana sa kita ng beneficiaries pero ang nangyayari ay ito na mismo ang kanilang inaasahan dahil marami sa kanila ay hindi na talaga nagtatrabaho para sila ay umangat sa buhay.

Marami na rin tayong naririnig na laging nasa sugalan lalo na ang tong-its, ang maraming 4Ps beneficiaries kaya ‘yung taxpayers na nagbabayad sa inutang ng gobyerno para sa programang ito, ay madalas na nababanas sa pamahalaan.

Mahigit isang daang bilyong piso ang badyet sa programang ito at inuutang lang ito ng gobyerno na ang magbabayad ay ang taxpayers lalo na ‘yung mga nagbabanat ng buto para magkaroon lang ng maayos na pamumuhay habang ‘yung karamihan sa beneficiaries ay pakuya-kuyakoy na lang.

Hindi sa nagmamaramot sila pero ang ganitong programa ang nakasasama ng loob sa taxpayers dahil kapag sila naman ang nangangailangan ng tulong ng gobyerno ay wala silang matanggap.

Kung talagang gusto ng gobyerno na makaahon sa hirap ang mga tao, ipatupad ang programang ito sa mga bata sa tertiary level at hindi sa basic education para masiguro na sila ay makatatapos ng pag-aaral.

Tingnan n’yo, kokonti ang nakakaahon sa kahirapan dahil hindi na nagkokolehiyo ang karamihan sa anak ng 4Ps beneficiaries dahil mas mahal ang kanilang gastos kahit libre ang tuition sa state universities and colleges.

14

Related posts

Leave a Comment