PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAGKAISA ang overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa buong mundo na palawigin ang kanilang ‘zero remittance week’ kung kinakailangan para iparamdam ang kanilang pagkadismaya sa ginawa ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Nauna rito, inihayag ng mga manggagawa sa abroad noong Marso 28, 2025 sa 80th birthday ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, magsasagawa sila ng ‘zero remittance’ mula Marso 28 hanggang Abril 4, 2025 bilang protesta sa illegal na pag-aresto sa tinagurian nilang Tatay Digong.
Matatandaan noong Marso 11, 2025, inaresto ni Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief, General Nicolas Torre III si dating Pangulong Duterte matapos na lumapag sa NAIA ang sinasakyan nitong eroplano mula sa Hong Kong.
Sa pangyayaring ito ay hindi man lang nakapasok at nakausap ni Vice President Inday Sara Duterte ang kanyang ama (Digong) habang nasa Villamor Air Base ito kung saan siya dinala pagkagaling sa NAIA.
Maging ang ilang personalidad na malalapit kay Duterte na sina Atty. Salvador Panelo, Atty. Silvestre Bello, Senador Bong Go at iba pa ay hindi rin pinapasok sa Villamor Air Base para makausap ang dating pangulo.
Makalipas ang ilang oras ay pinilit ni Gen. Torre na isakay ang dating Pangulo sa eroplano na kinuha ng gobyerno, kasama si dating Executive Secretary Salvador Medialdea patungo sa The Hague, Netherlands kung saan matatagpuan ang International Criminal Court (ICC).
Sa pangyayaring ito, nakita ng nakararaming Pilipino na tila pinagkaitan ng karapatang pantao ang dating pangulo kung kaya’t ito ang nag-udyok ng galit sa kanila para magsagawa ng kaliwa’t kanang protesta, sa kaarawan mismo ni FPRRD noong Marso 28.
Ang protestang ito ay sinabayan naman ng pagsisimula ng ‘zero remittance week’ ng OFWs sa iba’t ibang bansa sa buong mundo na kung saan may nagtatrabahong mga Pilipino.
Itinakda ang ‘zero remittance week’ mula Marso 28 (birthday ni Duterte) hanggang Abril 4, 2025.
Ito ay bilang protesta sa ginawa ng administrasyon ni PBBM na pagpapaaresto kay Duterte hanggang maipadala ito sa ICC sa The Hague, Netherlands.
Ayon pa sa ilang OFWs sa bansang Thailand, hangga’t hindi naibabalik sa Pilipinas si dating pangulong Duterte ay magpapatuloy ang kanilang ‘zero remittance protest.’
Sa katunayan, sa halip na matapos sa Abril 4, 2025 ang kanilang ‘zero remittance week’ ay palalawigin umano nila ito hanggang Abril 10, 2025.
Magugunitang kamakailan ay nagbanta sina Atty. Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO), at Juan Ponce Enrile, Presidential Chief Legal Counsel, na posibleng alisan ng gobyerno ng mga benepisyo ang mga OFW na sasali sa ‘zero remittance protest.’
Hindi naman natinag ang mga OFW, sa halip ay sinabi na karapatan nila kung ano ang kanilang gagawin sa kanilang mga kinikita sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Anila, hindi sila pwedeng diktahan ng gobyerno ng Pilipinas kung ano kanilang gagawin tulad ng kanilang isinasagawang ‘zero remittance protest’ ngayon.
Matatandaan, malaki ang utang na loob ng OFWs kay dating pangulong Duterte dahil ipinatigil nito ang ‘tanim bala’ sa NAIA na karamihan ng mga biktima ay ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa na madalas na dumaraan sa nasabing paliparan.
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2024, umabot sa 38.34 bilyong dolyar ang remittances ng OFWs sa buong mundo na may kontribusyon na 8.3% sa Gross Domestic Product ng bansa.
Ang OFWs ay tinaguriang mga ‘bagong bayani ng bayan’ subalit sa kabila nito ay binababalewala sila ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi naman ng isang propesor, malaki ang epekto sa ekonomiya ng bansa ang isinasagawang ‘zero remittance’ ng OFWs dahil dito umaasa ang gobyerno para ipambayad sa utang panlabas nito.
Malaki ang utang panlabas ng Pilipinas na dolyar na ang ibinabayad ay nanggagaling sa remittances ng OFWs, kaya ngayon sa ‘zero remittance’ na ginagawa ng mga nagtatrabaho sa abroad ay apektado nito ang ekonomiya ng bansa.
oOo
Para sa reaksyon at sumbong mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
