Away sa lupa PAMILYA INAMBUSH 3 PATAY, 3 MALUBHA

ANTIPOLO CITY – Patay ang tatlo katao habang nilalapatan ng lunas  sa ospital ang tatlo pang biktima matapos tambangan at pagbabarilin ng tatlong riding in tandem kahapon sa Antipolo City.

Ayon sa ulat ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kinilala ang mga napatay ‘on the spot’ na sina Andrei Mosquete, Dennis Payla, at Rodolfo Dela Rosa habang nilalapatan naman ng lunas sa ospital sina Eduardo Dumangas, Avelina Dumangas, at Gemina Amores.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:20 ng gabi noong Oktubre 9, sa Sitio Cabading, Marcos Highway, Brgy. Inarawan, sakay ang mga biktima ng isang kotse mula Sitio Cabading patungo sa bahagi ng Padilla kung saan naka-convoy ang mga suspek na sakay ng tatlong motorsiklo, at isang Honda Sedan.

Pagdating umano sa lugar ng insidente, hinarang ng mga suspek na nakamotor at armado ng mga baril, ang sinasakyan ng mga biktima at pinagbabaril ang mga ito saka mabilis na tumakas.

Agad namatay sa pinangyarihan ng insidente sina Mosquete, Payla at dela Rosa sanhi ng mga tama ng bala.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na may kaugnayan sa away sa lupa ang motibo ng pagpatay dahil nasangkot umano ang pamilya ng mga biktima sa boundary dispute.

Nabatid pa sa pulisya, nahulog sa bangin ang kotseng sinasakyan ng mga biktima ngunit agad itong nasaklolohan ng mga residente sa lugar na siyang humingi ng saklolo sa mga awtoridad para madala sa ospital ang mga sugatan. (ENOCK ECHAGUE)

162

Related posts

Leave a Comment