AWOL NA PULIS, 2 PA HULI SA PAGDUKOT SA NEGOSYANTE

ARESTADO ang tatlong suspek kabilang ang isang AWOL na pulis, habang nailigtas naman ang negosyante na kanilang dinukot.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office 3 na nakarating sa Camp Crame, noong Lunes ng hapon ay tinutukan ng tatlong suspek ang isang negosyante at dinukot sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Pagsapit sa kanyang bodega sa Barangay Kapitan Pepe ay tinangay ng mga ito ang pick-up truck.

Dito na umano humingi ang mga suspek ng P5 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.

Habang papatakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Bakod Bayan ay nasangkot sila sa hit and run na ikinasugat ng dalawang indibidwal.

Dahil sa ikinasang hot pursuit at tracking operations, ligtas na nasagip ang biktima sa Barangay Bakod Bayan at natagpuan ang iniwang sasakyan nito matapos ma-flat ang gulong.

Sa tulong ng tracking data mula sa ninakaw na cellphone na sinubukang ibenta, nadakip kinahapunan ang itinuturong mastermind sa pagdukot na napag-alamang isang AWOL na pulis at pinsan ng biktima sa San Miguel, Bulacan.

Sumunod na naaresto ang dalawa pang suspek sa magkahiwalay na operasyon sa Nueva Ecija.

(TOTO NABAJA)

1

Related posts

Leave a Comment