AYAW PAUWIIN NG MGA AMO DAHIL MAHAL ANG TIKET SA EROPLANO

NITONG Miyerkules, isinulat ko sa aking kolum ang sumbong ng grupo ng mga OFW sa Damman, Saudi Arabia na ayaw pang pauwiin ng kanilang employer dahil mahal pa umano ang ­presyo ng tiket sa ­eroplano pauwi ng Pilipinas.

Ang nasabing grupo ay kinabibilangan nina Everlyn M. Corcuera, Renalin T. Pajares, Sherilyn Julie, Arlyn A. Maharajun, Jiena Dancil, Shaima M. ­Gabriel, Ma. Kristina Demesa Aquino, Baby Ruth Bico, Samantha Hajira Mercado, Marilyn Ramos, Ma. Victoria Salvan, Mary Ann Dela Mayao, Rosario R. Hucamis, Lorna V. Sison at Annalyn Lumba Catalan.

Nagtrabaho sila bilang mga cleaner ng Esad Manpower Services habang ang kanilang ahensya sa Pilipinas ay DLB International Manpower Inc.

Personal natin silang nakapanayam sa programang “Usapang Pangkabuhayan – Usapang Pangkapayapaan (UP UP PILIPINAS), kasama sina Brigadier General Gerry Zamudio ng Philippine Airforce (PA), Bhong David at Fe Nicodemus.

Inilahad ng nasabing mga OFW ang kanilang problema sa amin.

Matapos ang programa, agad tayong nakipag-ugnayan kay Labor ­Attache Fidel Maguilod kung saan ipinakiusap natin sa kanya ang agarang aksyon sa problema ng mga OFW upang makabalik na sila sa ating bansa.

Gayundin, ating nakapanayam sa aming programa sa radyo ang isa pang OFW na nagtatrabaho sa Kuwait.

Sabi ng OFW, ayaw daw siyang pauwiin ng kanyang amo dahil katwiran ng huli ay mataas ang presyo ng tiket sa ­eroplano.

Batay sa sumbong ni OFW Jenny Brudo, imbes na pauwwin siya ng kanyang amo ay mistula na siyang stranded sa bahay ng huli.

Bukod dito, tila nagbago ang pag-uugali ng kanyang amo at ng mga anak nito.

Kaya, habang kinakapanayam namin siya ay walang tigil ang kanyang pag-iyak at paghingi ng tulong upang masaklolohan siya.

Habang kapanayam sa radyo si Brudo, sabay ko ring tinawagan si OWWA Welfare Office Llewelyn Perez upang malutas ang problema ni Brudo.

Hiniling ko kay Perez na makuha si Brudo mula sa kanyang amo at mapauwi na sa bansa, sa lalong madaling panahon.

Hindi pa man natatapos ang programa ay nasaklolohan si Brudo ng OWWA, sa ­pakikipagtulungan ng kanyang ­ahensyang Al Mutawa Manpower sa Kuwait.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga ng nabanggit na ahensya ang OFW at inaasikaso na ang kanyang agarang pag-uwi sa Pilipinas.

Sunud-sunod ang ­ating natatangap na mga sumbong ng mga OFW na hindi sila pinapauwi ng kani-kanilang mga amo sa ­ating bansa dahil napakalaki ng gastos sa pagbalik sa Pilipinas.

Hindi tamang ikatwiran ng mga manpower ­company at ng mga employer ang mataas na presyo ng tiket pauwi sa Pilipinas dahil ito ay kanilang obligasyon at pananagutan ayon sa kontrata na pinanghahawakan ng mga OFW.

Ang AKOOFW ay ­laging nakatutok sa ganitong mga suliranin at sumbong ng ­ating mga kabayani.

Hindi biro ang nararamdaman ng mga OFW hinggil sa pananabik nilang makapiling ang kanilang pamilya.

Simula pa lamang nang sila ay makayapak sa ibang bansa, ang pamilya agad nila ang iniisip.

Bawat minuto at oras ay binibilang ng mga OFW kapag malapit nang matapos ang kanilang kontrata sa ibang bansa dahil sabik na sabik na silang makauwi sa ating bansa upang makapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.

292

Related posts

Leave a Comment