DALAWANG linggo mula nang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ), ngunit ang kanyang mga kaalyadong pamilya ng mga politikong nakabase sa lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros ay hindi pa rin umaaksyon para sa mga residente sa mga lugar na ito.
Nakarating sa Saksi Ngayon na hanggang ngayong nasa ikalawang linggo na ang implementasyon ng ECQ ay maraming barangay sa Taguig at Pateros ang hindi pa rin nakatatanggap ng ayuda at barangay pass mula sa kanilang mga opisyal.
Sa pagkakaalam ng mga residente ng Taguig at Pateros ay “pinakamabilis” ang aksyon sa kanila, sapagkat “hawak” at “kontrolado” ng pamilya Cayetano ang dalawang lugar.
Apat na Cayetano ang sabay-sabay nakapuwesto ngayon sa pamahalaan.
Nangunguna ang kinatawan ng unang distrito ng Taguig at buong Pateros na si Rep. Alan Peter Cayetano dahil siya ang speaker ng Kamara de Representantes, ang asawa niyang si Ma. Laarni “Lani” Cayetano ay kongresista ng ikalawang distrito ng Taguig, ang ate ni Alan na si Pia Cayetano ay isang senador at ang nakababata nilang kapatid na si Lino Cayetano ang alkalde ng Taguig.
Ang unang ipinamahagi sa Taguig at Pateros ay barangay pass ngunit hanggang ngayon ay marami pa ring wala, kaya hirap silang makalabas ng kanilang barangay. Kabilang na riyan ang ilang residente ng Brgy. New Lower Bicutan.
Ganoon din sa Brgy. Katuparan at marami pang iba.
Bukod diyan ay hindi pa rin umano sila nabiyayaan ng delata mula sa kanilang barangay.
Nabatid ng Saksi Ngayon na nagsimula nang mamahagi ang pamahalaang lokal ng Taguig, ngunit inuuna ang mga pamilyang sobrang hirap sa buhay.
Ang ipinamamahagi ng mga barangay galing kay Mayor Cayetano ay ilang pirasong sardinas, noodles, kape at ilang delata tulad ng ipinamimigay ng maraming alkalde.
Si Pateros Mayor Miguel Ponce III naman ay nagpasalamat kamakalawa sa isang TV network na nagbigay ng mga delata, noodles, kape at iba sa pa sa ilang pamilya ng nasabing bayan.
Ani Ponce, malaking tulong ang ginawa sa kanila ng nasabing media network.
Ayon sa mga residente, marami sa kanila ang tigil-trabaho, kaya walang perang pambili ng pagkain.
Iginiit pa ng isa na kahit regular sa trabaho na hindi pinapasok ay wala ring sahod dahil sa konseptong “no work no pay.”
Umaasa ang mga residente na mabilis at higit na marami silang matatanggap na tulong dahil apat ang Cayetano na nakaupo sa puwesto at ang isa sa kanila na si Speaker Cayetano ay ikaapat na pinakamakapangyarihang opisyal ng pamahalaan. NELSON S. BADILLA
