AYUDA TULOY-TULOY SA NCR PLUS – DILG

TINIYAK ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuloy-tuloy ang ayuda sa National Capital Region (NCR), Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan kahit isinailalim na ang mga ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, hindi totoo ang kumalat na balitang tapos na ang pamamahagi ng ayudang P4,000 bawat pamilya sa NCR at apat pang lalawigan, o ang NCR Plus, dahil wala na sa ECQ ang mga ito simula noong Lunes.

Idiniin ni Malaya na “fake news” ang impormasyon.

Aniya, tatapusin ng local government units (LGUs) sa NCR Plus ang pamamahagi ng ayuda hanggang mabigyan ang lahat ng mga tukoy na benepisaryo.

Naglabas ng P22.9 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) upang mabigyan ng maksimum na P4,000 bawat pamilyang nawalan ng pagkakakitaan noong dalawang linggong ECQ.

Ang ECQ na natapos noong Abril 11 ay ikalawa na mula noong Marso 2020.

Layunin ng ECQ na mapigilan ang hawaan ng mga tao sa bawat isa sa panahong mabilis humagupit ang coronavirus disease – 2019 (COVID-19) sa mga tao.

Simula noong Abril 12 ay isinailalim na ang NCR Plus sa MECQ kung saan niluwagan ng pamahalaan ang pagkilos ng mga tao upang makapagtrabaho. (NELSON S. BADILLA)

214

Related posts

Leave a Comment