BABAE NAPUGUTAN SA ELF TRUCK

DAVAO City – Napugutan ang isang babaeng lending collector na lulan ng motorsiklo makaraang masagi ng isang truck at tamaan ng bakal sa Km. 67, National Highway, Barangay Tuboran, Mawab, Davao de Oro, alas-7:10 ng umaga noong Biyernes, Oktubre 9.

Ayon kay P/Staff Sergeant Renato S. Marticion, imbestigador ng Mawab Municipal Police Station, kinilala ang biktimang si Donna Belle C. Caspillo, 23, dalaga, residente ng New Panay, Tulunan, North Cotabato.

Nangyari ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo mula sa bayan ng Nabunturan patungo sa lungsod ng Tagum.

Ayon kay Marticion, pagdating ng biktima sa nasabing lugar ay nangyari ang insidente sa kurbadang bahagi ng daan matapos na mawalan ng kontrol sa minamaneho nitong motorsiklo at nabundol ng Isuzu Elf truck na may plakang GDN 8856 na minamaneho ni Zaldy De la Cruz Policarpio, 41, may asawa at residente sa Purok 7, Bangkas Heights, Toril, Davao City.

Dagdag ni Marticion, unang tumama sa pintuan ng truck ang ulo ng biktima bago tumama sa bakal sa gilid ng truck naging dahilan ng pagkaputol ng ulo nito.

Nasa kustudiya na pulisya ang driver ng truck habang isinasailalim sa imbestigasyon. (DONDON DINOY)

199

Related posts

Leave a Comment