NORTH Cotabato – Patay ang apat na magkakamag-anak habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan nang biglang pagbabarilin ng hindi kilalang mga kalalakihan ang isang bahay sa Barangay Lagundi, sa bayan ng Pikit, sa lalawigang ito, noong nakaraang Linggo ng tanghali.
Kinilala ni Pikit Police chief, Capt. Mautin Pangandigan ang apat na mga biktimang napatay na sina Sittie Alipolo Abdullah, 58; Zenaida Mustapha, 36; Laga Abdullah, 34; at isang 3-anyos na babaeng paslit.
Habang ang mga sugatan na kasalukuyang naka-confine sa isang pagamutan ay kinilalang sina Asria Abdulrajak Abdullah, 30, at tatlong minors na sina Ryan Abedin, 13; Raad Abedin, 7, at Asya Abdullah 8-anyos.
Ayon kay P/Capt. Pangandigan, apat na armadong kalalakihan ang sumalakay sa bahay ng mga biktima at walang-awang pinagbabaril ang mga ito.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, M16 armalite rifle ang ginamit ng mga suspek base sa nakuhang mga basyo ng bala sa crime scene.
Labing-tatlong kilometro lamang ang layo ng pinangyarihan ng krimen sa Pikit Police Station.
“May persons of interest na kaming tinututukan sa nangyaring pamamaril. Tinitingnan naming anggulo na may kinalaman sa trabaho ng ama ng mga biktima,” sabi ni Pangandigan.
Nasa mabuti nang kalayagan ang mga sugatang biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital. (JESSE KABEL)
165