Babala ng Malakanyang sa kumpanyang labis maningil sa swab test GANID SA NAIA PALALAYASIN

KINAKAILANGAN mapaalis sa airport ang swab testing company na sobra ang singil sa mga indibidwal na nagpapa RT-PCR test.

Tugon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa harap ng impormasyon na isiniwalat ni Senador Richard Gordon na ilang swab testing firms ang naniningil ng beinte mil kada swab test.

Giit ni Sec. Roque, hindi dapat nakapasok sa airport ang ganitong uri ng pananamantala lalo’t isang pribelehiyo ang ibinibigay sa mga may kalakalan sa paliparan.

“Well, iyan po ay nanggaling kay Senator Richard Gordon bagama’t alam ninyo naman po ang access sa NAIA ay restricted at in-assure naman po tayo ng NAIA na ang lahat po na pumapasok na mga PCR test personnel ay namu-monitor naman po nila.

So minabuti pa rin po na magkaroon ng imbestigasyon diyan pero ang assurance po sa atin, dahil restricted nga po iyang airport, eh mukhang malabo naman daw po iyan mangyari,” ayon kay Sec. Roque.

Kaya ang panawagan ni Sec. Roque sa publiko lalo na sa mga nagbayad ng P20,000 sa kada swab test sa airport ay mangyaring magbigay ng kanilang testimonya.

Sa ganitong paraan, ayon kay Sec. Roque ay maaaring mapaalis ang naturang swab testing company.

 

PRICE CAP

Samantala, hindi pa rin natatanggap ng Office of the President ang panukalang magkaroon ng price cap para sa RT-PCR o swab test.

Inihayag ito ni Sec. Roque kasunod ng pahayag ng Department of Health (DoH) na kanila nang naisumite sa Malakanyang ang nasabing proposal.

Ani Sec. Roque, nasa Office of the Executive Secretary pa ang proposal na magkaroon ng price cap sa swab test sa gitna ng magkakaibang presyo ng RT-PCR test.

Payo ni Sec. Roque sa mga naghahanap ng murang swab test, magtungo sa mga institusyon na bagsak ang presyo na ang halaga ay nasa 1,750 hanggang P2,000. Ilan aniya sa mga ito ay ang Philippine Children’s Medical Center, National Kidney Transplant Institute, Philippine Lung Center at Perpetual Help Hospital. (CHRISTIAN DALE)

132

Related posts

Leave a Comment