PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na maging responsable ang mga menor de edad at manatili sa loob ng bahay upang hindi makapag-uwi ng virus sa kanilang bahay.
Kaugnay ito sa mahigpit na utos ng alkalde na bawal pa ring lumabas ng bahay ang mga mula 17-anyos pababa upang hindi mahawa ng coronavirus gayundin ang kanilang pamilya.
Sa kanyang live broadcast, muling inulit ng alkalde sa nasa high-risk age groups na mga kabataan na manatili sa loob ng bahay sa halip na magpagala-gala sa lansangan kung saan ini-expose nila ang kanilang sarili sa COVID-19 na patuloy na kumikitil ng maraming buhay sa bansa.
“Sa mga batang edad 17 pababa, ako ay nagpapaalala na ‘wag tayong maging matigas ang ulo. Huwag magpagala-gala, magpakalat-kalat, magbarka-barkada o maglaro-laro sa labas,” apela ng alkalde.
“Maaring nag-iingat ang inyong mga magulang, kuya at ate ninyo at maging ang mga lolo at lola ninyo. Kahit anong ingat nila, kung kayong mga bata ay pagala-gala, paikot-ikot, maaari kayong magka-COVID. Pagtiklop ng araw, uuwi tayo sa kanya-kanyang bahay at maaaring doon na malagay sa panganib ang inyong mahal na lolo, lola, nanay o tatay na maaaring magdulot ng kamatayan sa kanila,” dagdag pa ni Moreno.
Ayon pa sa alkalde, malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa lokal at pambansang pamahalaan sa paglaban sa pandemya sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng kanilang bahay gaya ng isinasaad sa batas ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Maging responsable kayong mga Kabataang Maynila. Huwag kayong padadala sa kung ano-anong panghihikayat ng kaibigan na pwede na ‘to, pwede na ‘yan. Alalahanin at mahalin natin ang ating mga magulang, lolo, lola at kapatid,” pahayag pa nito.
Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) na umiiral sa NCR Plus areas, tanging ang mga may edad 18 hanggang 65-anyos ang pinapayagang lumabas ng kanilang bahay ngunit may matindi pa rin itong restriksyon. (RENE CRISOSTOMO)
