Babalik na ang alaws logtu serbisyong Isko, pramis!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA pagbabalik niya — na sigurado na nga — sabi ng headlines ay “inevitable” at “sure winner,” masarap pakinggan ang pangako ni former Manila Mayor Francisco “Yorme Isko Moreno” Domagoso ‘pag nasa city hall na siya ng Maynila.

Opo, uulitin lang niya ang ginawa nila noong unang termino niya –2019-2022 — at ito ang 24/7 public service.

Kaya, ang pakiusap ni Yorme at kasamang si Vice Mayor Chi Atienza at buong Yorme’s Choice, ay serbisyong todo, magde-deliver sila ng “walang tulugan” na lingkod Manilenyo.

Opo, e kilala natin si Isko, basta ipinangako niya, parang itinaga na sa bato: tiyak na mangyayari, tiyak na matutupad.

Tulad noon, sinabi niya, trabaho, pabahay, edukasyon, medical services (nakita ang bilis kilos niya noong pandemic na hinangaan sa buong bansa), de kalidad na edukasyon, at todo buhos na pagmamahal sa mga lolo, lola, solo parents, PWDs at maayos na serbisyo sa city hall.

Sa interbyu nga ng tropa, sabi niya ay konting tiis na lamang po, babalik na, at ibabalik ng Manilenyo si Yorme Isko sa city hall.

‘Yung serbisyo sa mga ospital, sa mga barangay health center, palalagyan niya ng mga gamot, at ang incentives sa health workers, ibabalik ng Yorme-Chi Atienza tandem.

‘Yung mga ordinansa at regulasyon na anti-poor, ipabubura niya sa Sanggunian Panlungsod, at ito ay ipinangako ni Vice Mayor Chi at ng buong City Council.

“Ibabalik uli natin ang 24/7 na alaws logtu na gobyerno sa Maynila!” sabi ni Yorme Isko, at hindi pa man, ang dami nang nasasabik.

Eto pa, ang mga perwisyo sa kalye, mga predator sa loob ng city hall, ano ang gagawin ni Yorme?

Patay sila ‘pag nakalawit ni Isko, “Ubusin natin ang mga tolongges sa Maynila!”

Kasi, hanggang ngayon, unlimited ang mga reklamo na natatanggap ni Yorme.

Tulad ng regulasyon na kailangang kumuha ng health clearance mula sa city health officer ang mga nais magtrabaho sa lungsod.

Okay sana iyon, pero, eto ang matindi, nangangamoy raket: hindi puwede sa accredited doctor ng mga kompanyang pinagtatrabahuan ang clearance o medical certificate.

Kailangan mismo ay sa Manila Health Center kumuha ng medical certificate at may katapat na bayad!

Ay, negosyo ito, hindi serbisyo, Ate ng city hall.

Kaya pangako ni Yorme ang mga ganyang regulasyon, buburahin niya pag nasa city hall na siya.

“Magseserbisyo tayo, hindi mamemerwisyo! Tayo po, kami sa Yorme’s Choice ay maglilingkod nang totoo, lalo na kina nanay, tatay, kina Lolo, Lola, sa solo parents, sa PWDs, sa mga walang-wala sa buhay. Kayo ang aming iaaangat, at ‘yung mga pinabagsak, ibabangon namin kayo. Konting tiis na lamang,” sabi ni Yorme Isko.

E, si VM Chi Atienza, ‘yung public health at karapatan ng kababaihan, mga bata at kabataan, ‘yun ang uunahin niyang aksyonan.

Sabi ni VM Chi, lahat ng programa ni Yorme na para sa kabutihan ng Manilenyo, sisiguraduhin ng Sanggunian na aaprubahan.

“Kami po sa Yorme’s Choice ay buong-buo ang suporta sa lahat ng programa ni Isko, kasi alam namin, uunahin niya ang kapakanan ng mga kapos sa buhay, sa mga napagkaitan ng serbisyo,” sabi ni VM Chi Atienza.

Isa pa sa uunahin nila, ‘yung linisin ang bawat sulok ng Maynila, lalo na ang mga Liwasan, Parke, Lacson Underpass, ang mga palengke, ang Divisoria area at ang basura!

Pangako ni Mayor Yorme Isko, ibabalik niya ang gobyerno, at nais niya at gagawin nila ni VM Chi, ‘yung feeling na ligtas ang Manilenyo sa araw at sa gabi.

Kapanatagan sa araw, sa pagtulog sa gabi, iyon ay ibabalik ng bagong gobyernong Isko-Chi sa city hall.

Habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 12, umaarangkada ang paninira sa kanila, pero ano ang sabi ni Yorme: Mauutal sila sa paninira, kakapal ang bibig at hahaba ang dila nila, pero walang epekto iyon.

Kasi palpak ang gobyerno ng Maynila ngayon; walang matinong palakad, kaya sa bawat batikos sa Yorme’s Choice, ang sigaw ng Manilenyo.

“Ibabalik namin si Yorme!”

At si Ate sa city hall: “Hindi na siya babalik, kahit kailan, hindi na siya makakaulit!”

Kaya konting tiis na lang, babalik na ang 24/7 serbisyong Isko-Chi.

At matinong lingkod Manilenyo ang mangyayari, matapos ang eleksyon sa Mayo 12.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

11

Related posts

Leave a Comment