UMIKOT sa Kamara ang bag na naglalaman ng pera para sa Speakership ni Martin Romualdez.
Ganito ang binitiwang pasabog ni Negros Oriental 2nd District Rep. Arnolfo Teves Jr., na tinalakay sa vlog ni Banat By.
Diumano, habang naggigirian noon sina dating House Speaker Lourd Allan Velasco at Cong. Alan Peter Cayetano, gumagapang si Romualdez para masungkit ang pagiging Speaker ng Kamara.
“Alam mo kung anong pinaggagawa natin noon. Gusto mo ba sabihin ko sa publiko ‘yun? Maniwala man sa akin ang publiko o hindi baka sabihin ko na yun. Kasuhan nyo na ko kung kasuhan. Yun mga paper bag na dala natin. Alam yun ni Yedda (asawa ni Martin),” bahagi ng pahayag ni Teves.
Pagbubunyag pa ni Teves, ilang beses siyang inutusan ni Yedda kaya nag-akyat-baba siya sa kanilang opisina para gapangin ang kanilang mga kasama sa Kamara.
Nagpahayag din ng hinanakit ang mambabatas kay Yedda, kinatawan ng Tingog party-list, dahil matapos siyang gawing utusan noon ay hindi na sinasagot ang kanyang mga tawag ngayon.
Kasabay nito, nagbanta si Teves na ilalahad sa publiko ang kanyang mga nalalaman kung patuloy siyang gigipitin.
Nauna nang sinabi ni Teves na nagtataka siya kung bakit iginigiit ni Romualdez na pauwiin siya gayung may banta ang kanyang seguridad.
Ginagamit lang aniyang dahilan ni Romualdez ang kanyang suspension para siya umuwi sa kabila na hindi naman niya dinudumihan ang pangalan ng Kongreso.
Nanindigan ang mambabatas na hindi isusugal ang kanyang buhay sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na umuwi siya at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya. Pinangangambahan ng kongresista na mapatay siya paglapag pa lamang sa airport.
Dahil sa nalalaman at pagsisiwalat ni Teves ng mga ‘baho’ sa Kongreso ay pinangangambahang mas itutulak ng House committee on ethics na patawan siya ng mas mabigat na parusa upang mapatalsik bilang kongresista.
Ito rin ang pinangangambahan niya na posibleng maging dahilan para siya ipapatay. Gayunman, nairecord na umano niya ang kanyang mga nais ibunyag na maaaring ilabas ng kanyang mga anak sakaling mapatay siya.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
