RIZAL – Pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ng mga awtoridad ang isa sa dalawang bata na pinaniniwalaang nalunod matapos tangayin ang mga ito ng agos sa ilog sa Brgy. Bombongan, sa bayan ng Morong sa lalawigan.
Kinilala ang mga nawawalang bata na sina Gene Heinrich Dacumos, 12, at Ruben Cioseph Giray Cubilla, 10, parehong mga residente ng Darangan, Binangonan, Rizal.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naliligo umano sa ilog sina Ruben Cioseph at magkapatid na Dacumos na sina Gene Heinrich at John Henry nang biglang tangayin ang dalawang biktima ng rumaragasang tubig sa kasagsagan ng masamang panahon.
Nangyari umano ang insidente noon pang Hulyo 19 bandang alas-12 ng tanghali ngunit dahil sa takot, Hulyo 20 na nang sabihin ng 10 taong gulang na si John Henry sa ina nito ang nasabing pangyayari.
Kaagad na iniulat ng ina ng mga biktima ang insidente sa Morong Municipal Police Station na agad namang nakipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Kasama ang mga tauhan ng Barangay Police Security Office (BPSO) at iba pang volunteer responders, isinagawa ang search and retrieval operations para mahanap ang dalawang biktima.
Sa pinakahuling ulat, positibong kinilala ng ina ng biktima na si Gene Heinrich Dacumos, 12, ang natagpuang wala nang buhay sa ilog ng Tanay nitong umaga ng Lunes, Hulyo 21, 2025.
Pinaghahanap pa rin ang isa pang biktima na si Ruben Cioseph Giray Cubilla habang isinasagawa ang patuloy na imbestigasyon para alamin ang buong detalye sa nasabing insidente. (NEP CASTILLO)
