PUNTIRYA ng pamahalaan na tapusin ang pagbabakuna, kahit man lang 90% ng mga guro, estudyante at iba pang education personnel laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) bago matapos ang Nobyembre.
Sinabi ni Secretary Carlito Galvez Jr., hepe ng National Task Force (NTF) against COVID-19, bahagi ito ng paghahanda ng gobyerno para tiyakin na ligtas ang isasagawang gradual reopening ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya.
“On the opening of the school, we will vaccinate teachers and students and personnel to at least 90 percent before the end of November,” ayon kay Galvez sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.
Tinukoy ang data mula kay Commission on Higher Education (CHEd) chairperson Prospero de Vera, iniulat ni Galvez na 57% pa lamang ng mga guro at estudyante ang bakunado laban sa COVID-19, dahilan para itulak ng pamahalaan ang pagpapataas at pagpapaigting ng vaccination drive para sa sektor ng edukasyon.
Sa inaasahang pinalawig na face-to-face classes, nauna nang hinikayat ni de Vera ang mga college student na magpabakuna laban sa COVID-19.
“The good news is in some schools, the vaccination level is very high, as high as 90 plus percent. And 53 percent of our HEIs (Higher Education Institutions) have reported a vaccination level of more than 75 percent among their personnel,” ayon kay de Vera.
Samantala, inilarawan naman ni Galvez ang pagbabakuna sa mga menor de edad na 12 hanggang 17 bilang “instrumental tool” para sa pagbubukas ng face-to-face classes at “ancillary businesses” na may kaugnayan sa education sector. (CHRISTIAN DALE)
175
