LAGUNA – Pinayagan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Calamba ang 30 porsiyento ng mga residente para makadalaw sa mga sementeryo bago sumapit ang Undas.
Ayon sa Facebook page ni Mayor Justin Chipeco ng Calamba City kahapon, isasara ang mga sementeryo sa lungsod mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Mahigpit aniyang ipatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield para sa mga taong magtutungo roon.
Pinakiusapan din ng alkalde ang mga residente na ipagdasal na lang ang mga kaluluwa ng mga yumao sa kanya-kanyang tahanan bilang pag-iingat sa kalusugan ng bawat isa.
Samantala sa bayan ng Magdalena, pinayagang lumabas ng kanilang bahay ang mga senior citizen upang makapag-ehersisyo.
Sa Kautusan Bilang. 29, ipinag-utos ni Mayor David Aventurado Jr. ng bayan ng Magdalena, na maaaaring magsagawa ng non-contact sport ang mga senior citizen mula alas-5:00 hanggang ika-7:00 ng umaga basta sundin lamang ang health protocols katulad ng personal hygiene at social distancing.
Ang lalawigan ng Laguna ay nasa ilalim ng modified general community quarantine o MGCQ mula Setyembre 1 hanggang 31. (CYRILL QUILLO)
177
