WANTED NA EX-US NAVY TIMBOG SA ANGELES CITY

PAMPANGA – Natimbog ng mga awtoridad ang isang dating mataas na opisyal ng US Navy na wanted sa Amerika at nagtatago sa Pilipinas, sa operasyon ng mga awtoridad sa Angeles City sa lalawigang ito.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Batangas PNP Provincial Intelligence Unit ang arestadong suspek na si Xavier Fernando Monroe, isang US national, makaraang madakip sa pinagtataguan nito sa Noveau Residences sa Brgy. Cacutud, Angeles City.

Batay sa report, isinagawa ng magkasanib ng pwersa ng mga FSU agents, Presidential Anti-Corruption Commission, US DSS-Office of Criminal Investigation, Batangas PNP at Angeles City police ang operasyon laban sa suspek noong Martes ng tanghali.

Batay sa official communication at dokumento mula kay Michelle Michaud, Attaché, DSS-OCI ng US Embassy sa Manila noong Agosto, napag-alaman na si Monroe ay may standing warrant of arrest mula sa United States District Court for the District of Columbia na may petsang Mayo 20, 2020, dahil sa mga kasong conspiracy, bribery, false statements at obstruction of justice.

Ayon pa sa US Embassy, ang suspek undocumented alien at mapanganib sa publiko dahil sa pagiging isang takas sa batas sa kanilang bansa.

Si Monroe ay dating mataas na opisyal ng US Navy at nanunungkulan bilang Director for Operation ng US Navy’s Sealift Command.

Kinansela na ng US government ang pasaporte ng suspek noong pang Hulyo 9, 2020. (NILOU DEL CARMEN)

123

Related posts

Leave a Comment