KASABAY ng bugso ng masiglang kalakalan sa nalalapit na Kapaskuhan, isang panibagong babala ang inilabas ng Bureau of Customs (BOC). Anila – huwag magpabudol sa mga online scammer.
Ayon sa BOC, may mga natanggap na reklamo ang kawanihan mula sa mga diumano’y nabiktima ng online scammers na nag-alok o humihingi ng tulong kaugnay ng “naipit na padala” ng mga kamag-anak sa ibang bansa.
Anila, karaniwang gamit ng mga scammer ang mga fake account sa social media kung saan umano naghahanap ng kanilang mabibiktima.
Modus din umano ng mga scammer ang magpakilala bilang miyembro ng pamilya, manliligaw, o ‘di naman kaya’y matagal nang kakilala sa hangaring mapalapit sa target dengguyin.
Estilo umano ng mga online scammer na mag-alok ng malaking porsyento mula sa kikitain mula sa kargamentong piniit ng BOC dahil sa hindi pa binabayarang buwis.
Panawagan ng BOC, huwag patulan ang pangakong malaking kita kapalit ng salaping “pambayad sa buwis ng natenggang kargamento sa kawanihan.”
Iginiit din ng ahensya na iwasang magbahagi ng mga personal na impormasyon o magtiwala ng pinaghirapang pera sa kahit na sino, lalo pa’t nakilala lamang sa social media o dating apps.
Sa sandaling mayroong duda sa mga nakasasalamuha online, iminungkahi rin ng BOC na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan – boc.cares@customs.gov.ph o bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng BOC sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pwede rin anilang dumulog sa PNP Anti-Cybercrime Group sa Camp Crame at sa Complaint Action Center/Hotline: 0998-598-8116, tel: +63 (02) 414-1560, Fax: +63 (02) 414-2199 Facebook: https://www.facebook.com/anticybercrimegroup, email: pnp.anticybercrimegroup@gmail.com, infoacg@pnp.gov.ph. (BOY ANACTA)
179