TALIWAS sa inaasahan, mas maaga pa sa pagtataya ng mga dalubhasa ang naitalang paglobo ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, batay na rin sa datos ng Department of Health (DOH).
Sa 585 bagong kumpirmadong kaso inilabas ng DOH nitong nakalipas na araw ng Sabado – ang pinakamataas mula Abril – nangunguna ang National Capital Region (NCR) kung saan lagpas pa sa target ang pasok sa kategorya ng bakunado. Kabilang rin sa mga may mataas na bilang ng mga bagong kumpirmadong kaso ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Western Visayas, Central Luzon at Central Visayas.
Sa kabuuan, sumipa sa 4,176 mula sa 3,829 ang aktibong kaso sa buong bansa habang umabot na sa 3,695,652 ang bilang ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit mula Marso 2020.
Napako naman sa 60,467 ang datos ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
Pinawi naman ng DOH ang pangamba ng publiko. Ayon kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, sadyang mataas ang hawaan dahil sa pabugso-busong sama ng panahon. (RENE CRISOSTOMO)
