Bagong radio system at rescue boats, ipinamahagi SAN JUAN CITY, NAG-UPGRADE NG EMERGENCY RESPONSE

PINANGUNAHAN ni Mayor Francis Zamora ang opisyal na turnover ng mga bagong radio communication equipment sa mahahalagang departamento at frontline units ng lungsod nitong umaga sa San Juan City Hall, bilang bahagi ng pagpapalakas ng peace and order at emergency response capabilities ng lungsod.

Ayon kay Mayor Zamora, layunin ng bagong sistema na magkaroon ng mas mabilis, malinaw, at maaasahang koordinasyon sa pagitan ng City Government’s Response Cluster. Dagdag pa niya, mas pinapadali nito ang komunikasyon sa mga opisina na responsable sa public safety, emergency response, disaster risk reduction, at health services.

“Ang sistemang ito ay nagbibigay-daan sa agarang koordinasyon ng ating responders, lalo na sa oras ng emergency. Halimbawa, kapag may sunog, maaaring direktang makipag-ugnayan ang mga team sa pamamagitan ng radyo kaysa umasa lamang sa cellphone. Mas mabilis ang tugon, mas maayos ang koordinasyon, at mas ligtas ang resulta para sa ating mga residente,” ani Mayor Zamora.

Binanggit din ng alkalde na ang proyektong ito ay bahagi ng pagpapatibay sa pinananatiling mababang crime rate ng San Juan City, na itinuturing ding tanging drug-cleared city sa NCR. “Ang pagpapanatili ng ganitong tagumpay ay nangangailangan ng patuloy na pamumuhunan sa mga sistemang sumusuporta sa ating responders. Mahalaga ang isang matatag at maaasahang communication network sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan,” dagdag niya.

Mga ipinamahaging kagamitan:

Base Radio System: 14 na yunit na naka-install sa Central Emergency and Disaster Operations Center (CEDOC) at iba pang key command locations para sa dispatch, koordinasyon, at secure communication.

Portable Radio System: 123 handheld radios (75 para sa field personnel, 48 para sa team leaders at supervisors) para sa mas mabilis at direktang komunikasyon.

Radio Repeater System: 3 yunit na naka-install sa strategic locations upang mas mapalawak ang coverage at masiguro ang malinaw na komunikasyon sa buong lungsod, kabilang ang mga lugar na mahirap abutin.

Ang mga kagamitan ay ipinamahagi sa mga sumusunod na tanggapan at miyembro ng City Response Cluster: Office of the City Mayor, PNP San Juan City, Bureau of Fire Protection, CEDOC, City DRRMD, San Juan Medical Center, City ENRO, General Services Department, City Engineering Department, Traffic and Parking Management Office, Public Order and Safety Office – Task Force Disiplina, City Social Welfare and Development Department, City Health Department, at lahat ng 21 Barangays ng San Juan City.

Kasabay ng turnover ng radio system, ipinamahagi rin ni DILG City Director Adrian Lopez kay Mayor Zamora ang 7 yunit ng rescue boats bilang pagkilala sa Seal of Good Local Governance (SGLG) Awardee 2024 ng lungsod. Ang bawat bangka ay may timbang na 150 kilo, may maximum carrying capacity na 1,000 kilo, dalawang paddles, high-powered 21,000-lumen rescue flashlight, at boat trailer para sa mas mabilis at ligtas na transportasyon sa mga lugar ng emergency.

Ayon sa City Government, ang kombinasyon ng bagong radio communication equipment at rescue boats ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng San Juan City sa kaligtasan, kahandaan sa sakuna, at mahusay na pamamahala.

(DANNY QUERUBIN)

92

Related posts

Leave a Comment