AT YOUR SERVICE Ni Ka Francis
GOODBYE 2024! Welcome 2025! Sa pagpasok ng bagong taon, kasabay niyan ay bagong simula at bagong pag-asa.
Kung sa nakaraang taon (2024) ay nakaranas tayo ng medyo lang na paghihirap, “God Is Good pa rin All the Time.”
Hindi natin alam ang plano niya sa atin (God) ngayong 2025, at least sa pagpasok ng taong ito 2025, panibagong panimula at panibagong pag-asa.
Ang pinakamahalaga sa lahat ay ipagpatuloy lang natin ang ating ginagawang mabuti sa ating kapwa.
Kung tayo ay negosyante, nagtatrabaho sa iba’t ibang kompanya o opisina, tuloy lang ang buhay.
Kung gusto nating mas maganda ang resulta ng ating mga ginagawa ngayong 2025, doblehin natin ang kasipagan, sigurado pagdating ng katapusan ng 2025 (December) ay may aanihin tayo.
Ang swerte natin, tayo rin ang gagawa niyan hindi ang ibang tao.
Kahit naman ang mga Chinese na naniniwala sa Horoscope, ay sinasabi na bagamat taon ngayon ng mga ipinanganak sa Year of the Snake 2025, ay tao pa rin ang kikilos para suwertehin sila.
Ang Horoscope ay guide lang, lalo pa tayong magsipag sa ating mga ginagawa.
Sa matatagumpay na mga tao sa negosyo na tulad nina Bill Gates, Elon Musk, Donald Trump at iba pa, ay hindi tumigil kahit na ilang beses silang bumagsak sa pinasok nilang mga negosyo.
Maging sina Michael Jordan, NBA Player Star; Kobe Bryant, NBA Player Star; at Manny Pacquiao, ang Pambansang Kamao ng Pilipinas, ay dumaan din sa matitinding mga pagsubok subalit hindi sila tumigil dahil gusto nilang magtagumpay sa larangan na kanilang pinasok.
Makikita natin sa kanila na bagama’t matagumpay sila sa larangan ng trabaho na kanilang mga pinasok ay hindi sila naging mayabang kaya lalo silang pinagpala.
Kailangan lang nating magkaroon ng goal na dapat nating abutin pagdating ng panahon, ‘wag tayong aayaw o susuko para maabot natin ang ating gustong marating.
Ang panibagong taon na papasok sa ating buhay ay panibagong hamon na dapat nating malagpasan.
Kailangan din nating maging matatag, anomang pagsubok ang dumating sa ating buhay.
Kung malagpasan natin ang mga pagsubok sa atin ay lalo tayong magiging matibay. At kinakailangan nating maging matibay para sa ating pamilya.
May mga tao na umuunlad din sa madaling paraan o panlalamang sa kapwa tao, subalit hindi sila nagtatagal dahil sa karma na kanilang inaabot.
Mas mabuti na ang pag-unlad natin ay mula sa mabuting paraan dahil wala tayong iniisip na may niloko tayong tao.
Ang mga umunlad na sa pamamagitan ng mabuting paraan ay nakatutulog nang mahimbing at walang kinatatakutan na may maghahabol sa kanya.
oOo
Bago ko pala makalimutan, paalala po, mga kapatid at kaibigan, maging mapanuri po tayo at samahan tayo ng mga legit online seller na magbantay sa mga bogus na online seller, dahil marami po ang scammer ngayon.
Lalo na sa mga bentahan na gulong at rim na mura dyan sa Tuguegarao City; Sampaloc, Manila, at sa Tandang Sora, Quezon City, kung saan ay nagagamit ang Victory bilang cargo nila at sa Gotyme Bank at Instapay ‘di umano ipinadadala ang pera ng mga nabibiktima nina Jayar R., at Renier L.
Sa mga kinauukulan lalo sa nagagamit sa kawalanghiyaan na wala namang kınalaman, panawagan po sa inyo, dapat kaisa po kayo sa pagsawata sa ganitong modus para mabawasan ang mga biktima ng mga ito.
Happy New Year po sa ating lahat!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
