PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAY maaasahan ba tayong pagbabago sa pagpasok ng taong 2026? Sa ganang akin, tila wala akong nakikitang pagbabago na ikabubuti ng mga Pilipino.
Mukhang lalo pang lalala ang pamumulitikang gagawin ng BBM admin, partikular ang pag-atake nila sa mga Duterte.
Sinimulan na ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ng nagpapanggap na mga anti-corruption advocate daw sila, pero ang kanilang kinasuhan ay kasama sa budget insertions ng kasalukuyang administrasyon.
Sinasabi nilang dapat managot si VP Sara sa Confidential Funds nito, pero ang naglustay ng trilyong pisong budget ng DPWH mula noong 2023, 2024 at 2025 sa ilalim ng supervision ni PBBM, ay hindi nila kinakasuhan, mga bulag, pipi’t bingi ba kayo?
Dapat kayo ang pinatutungkulan ng “mahiya naman kayo” kasama ni PBBM. Ang gagaling n’yo sumilip sa dumi ng mukha ng iba, pero ang mga sarili ninyo ay hindi n’yo makita.
Pari pa man din itong namuno sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay VP Sara Duterte. Dinadala niya ang mga Pilipino sa hindi tamang landas.
Paano ka paniniwalaan ng inyong parokya kung ganyan ang pananaw mo, dapat nga hindi ka nakikisawsaw sa usapin ng pulitika kasi lider ka ng simbahan.
Ang niraralihan ng milyong Pilipino ay si PBBM dahil sa maanomalyang flood control projects, tapos ang sinampahan n’yo ng kaso sa Office of the Ombudsman ay si VP Sara Duterte, sinong maniniwala sa inyo?
Saan kayo kumuha ng ganyang katuwiran? Nakikinabang ba kayo kay PBBM kaya hindi n’yo siya binabatikos sa korupsyon?
Maliwanag pa sa sikat ng araw na dismayado na ang mga Pilipino sa nangyayari ngayon sa gobyerno.
Sa kasaysayan ng mga presidente sa Pilipinas, ngayon lang ako nakakita ng -3% trust rating kay PBBM, habang nakakuha naman ng mataas na +31% tiwala si VP Sara Duterte mula sa mga Pilipino.
Kaya kahit anong paninira n’yo kay VP Sara ay hindi tatalab sa mga Pilipino ‘yan.
Hindi pa nga natatapos ang taong 2025, sinabi n’yo nang magsasampa ulit kayo ng panibagong impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Paldo na naman ang mga kongresista niyan, babaha na naman daw ng pondo sa Kamara? Sana All!
Imbes na pagtuunan n’yo ng pansin ang kapakanan ng mga Pilipino ay puro kayo pamumulitika, palibhasa ginawa n’yo nang livelihood ang pagiging politiko kaya hindi kayo tumitigil sa pang-iintriga. O baka naman takot kayo kay VP Sara dahil alam n’yo na kapag siya ang nanalong presidente ay may paglalagyan kayo?
Nakatanggap ako ng impormasyon na posibleng sa pagpasok ng 2026 ay may mga politiko mula sa administrasyon ni BBM, ang tatawid bakod sa kampo ni VP Sara.
Alam naman natin ang politikong Pinoy, kung saan sila may pakinabang ay roon sila papanig.
At alam din natin na tuluyan nang lulubog ang bangka ni PBBM dahil sa matinding korupsyon sa pondo ng gobyerno.
Sa DPWH pa lang ‘yan, hindi pa kasama ang Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kahit ano pang gawin ng BBM admin ay hindi na siya makababangon sa kontrobersiyang kinakaharap nito.
Sa dalawang taon na natitirang termino ni PBBM ay hindi niya kayang resolbahin ang problema sa flood control anomalies, lalo na’t napapansin ng mga Pilipino na kapag palapit na ang imbestigasyon sa Office of the President (OP) ay nababago ang takbo nito.
Ang napagtutuunan nila ng pansin ay ang mga nagsisiwalat ng mga anomalya katulad nina dating Marine Ret. Master Sergeant Orly Guteza, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, Cavite Rep. Kiko Barzaga at ngayon naman si Batangas Rep. Leandro Leviste sa tinatawag na Cabral Files.
Imbes na suportahan sila, nalalagay pa sila sa alanganin dahil sila ang ipinalalabas na mga nagsisinungaling.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email operarioj45@gmail.com
95
