BAGONG YUGTO

TULUYAN nang nanumpa si Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas, bitbit ang pangakong muling ibabangon ang bansang inilugmok ng labis na impluwensya ng pulitika sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada.

Para kay Marcos Jr., ang nakaraan ay tapos na – na tila pahiwatig ng panibagong simula at panibagong pag-asa.

Sa isang banda, tama lang naman na ­isantabi muna ang pulitika, kasabay ng panawagan para sa isahang pagkilos patungo sa landas ng pagbangon at pagsipa ng bansa sa dati nitong estado – isang maunlad na Pilipinas.

Ang totoo, hindi madali ang hamon sa bagong Pangulo. Bukod sa tumataginting na P12.7-tril­yong pagkakautang ng bansa, simot-sarap na rin ang kaban ng bayan, bagong banta ng lintek na COVID-19, hindi maawat na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, manipis na supply ng kuryente, mababang produksyon ng pagkain, kawalan ng hanapbuhay, ilegal na droga, kriminalidad, katiwalian at iba pa.

Pero kumpyansa ang bagong Pangulo lalo pa’t katuwang niya sa pagbibigay lunas sa problema ng lipunan ang mga karapat-dapat na taong eksperto sa larangang mandato ng iba’t ibang departamento.

Sa bawat suliranin, may nakalatag na plano. Sa bawat tiwali, may naghihintay na kastigo. Sa usapin ng West Philippine Sea, hindi na uubra ang kompromiso – maski isang metro kwadrado, ‘di dapat mabawas sa ating teritoryo.

Sa kanyang talumpati ilang saglit makaraang manumpa sa pinakamataas na antas na hamong kalakip ng pagiging punong ehekutibo, aminado ang Pangulong Marcos Jr. na hindi biro ang landas na tatahakin ng bagong administrasyon.

Gayunpaman, kumbinsido rin naman ang punong residente ng Palasyo na walang imposible sa sambayanang pinagbuklod ng pagkakaisa at iisang adhika – ang pagsisimula ng bagong yugtong hudyat ng bagong bukang liwayway.

Pero ano nga ba ang hanap ng mamamayan? Kilala ang mga Pilipino sa sipag, husay, tiyaga, pagtitiis, kakayahang bumangon sa gitna ng krisis. Hindi maselan ang mga Pilipino. Patunay nito ang karaniwang usal ng mga nakatatanda – “Magtiis mamaluktot hanggat maigsi ang kumot.”

227

Related posts

Leave a Comment