(NI ABBY MENDOZA)
NASA loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Marilyn, hindi ito inaasahang tatama sa lupa subalit magdadala ng pag-uulan sa malaking bahagi mg Luzon at maging sa Visayas.
Sa 11:00 weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) sinabi nito na alas 9:30 ng umaga pumasok ng bansa ang bagyo, huli itong namataan 1,355 ang layo mula sa Casiguran, Aurora at kumikilos sa bilis na 25kph taglay ang lakas ng hangin na 55kph at bugso na 70kph.
Ayon kay Pagasa forecaster Benison Estareja, walang inilabas na storm warning signal ang Pagasa dahil hindi tatama sa lupa ang bagyo subalit ang buntot o through ng bagyo ang siyang nakaaapekto sa bansa gayundin ang aktibong hanging habagat.
Asahan umano ang katamtaman subalit tuluy-tuloy na pag-uulan sa malaking bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila, Calabarzon, Bicol, Mimaropa, Aurora, Quirino, Isabela at Cagayan provinces kung saan binabalaan ang mga residente sa lugar na maging alerto sa pagbaha at landslides.
Sa forecast track ng Pagasa ay sa Linggo, Setyembre 15, lalabas ng PAR ang bagyo.
TUBIG SA ANGAT DAM PATULOY SA PAGTAAS
Umabot na sa 185.12 meters ang water level sa Angat Dam at inaasahan ng Pagasa ang pagtaas pa nito dulot ng ulan na hatid ng bagyong ‘Marilyn’.
Tumaas din ang water level Ipo dam,La Mesa dam,Binga, San Roque, at Pantabangan dams.
