BAHA, LANDSLIDE RUMAGASA SA DIGOS CITY

NAGPATUPAD ng force evacuation ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa mga flood at landslide-prone area sa 12 barangay sa Digos City, Davao del Sur nitong Martes ng gabi.

Inilikas ng mga awtoridad ang ilang pamilya na apektado ng mga pagbaha at landslide partikular sa mga lugar sa bayan ng Sta. Cruz at Digos City sanhi ng patuloy na pag-ulan sa lugar dala ng Inter-Tropical Convergence Zone o ITCZ.

Maging ang Digos PNP ay tumulong sa evacuation ng ilang pamilya sa Barangay Aplaya at dinala sa evacuation site sa barangay covered court.

Base pa sa ulat, natabunan ng landslide ang nasa tatlong bahay sa Barangay Kapatagan.

Ligtas naman ang mga nakatirang pamilya kabilang ang isang sanggol matapos makaalis kaagad bago ang pagguho ng lupa.

Sa bayan ng Sta. Cruz, stranded naman ang ilang motorista dahil sa tubig baha na nakaapekto sa highway. Sa bayan ng Bansalan, nagmistulang ilog ang kalsada sa Barangay Mabunga. Sa bayan ng Matanao, umapaw ang tubig baha sa kalsada sa Barangay Cabasagan na nakaperwisyo sa mga motorista.

Patuloy ang assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO kaugnay sa pinsala ng nangyaring baha at landslide.

(NILOU DEL CARMEN)

2070

Related posts

Leave a Comment