HINILING ni Senador Francis Tolentino na ipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa limang cluster sa Negros Oriental.
Gayunman, inanunsyo ng Commission on Elections na ang public consultations sa mungkahi na ipagpaliban ang BSKE ay isasagawa sa June 27 hanggang 29.
Ayon sa Comelec, gaganapin ito sa limang clusters na binubuo ng iba’t ibang lungsod at bayan sa Negros Oriental.
Nauna nang iminungkahi ni Senador Tolentino na sa Oktubre 30 itakda ang BSKE, ngunit ibig nitong ipagpaliban ang botohan sa lalawigan dahil sa mga kaso ng political violence.
Ang mga batas sa halalan at pagtatakda ng petsa ng botohan ng BSKE ay nagpapahintulot sa Comelec na ipagpaliban ang halalan nang hindi lalampas sa 30 araw pagkatapos ng pagtigil ng dahilan para sa naturang pagpapaliban, at sa lahat ng kaso nang hindi lalampas sa 90 araw pagkatapos ng orihinal na petsa ng halalan.
Ang dahilan para sa pagpapaliban ng botohan ay kabilang ang “rebellion, insurrection, violence, terrorism, loss or destruction of election paraphernalia or records, force majeure” at iba pang katulad na mga sanhi ng ganitong uri na pumipigil sa pagdaraos ng isang malaya at maayos na halalan.
Bagama’t kukunsultahin ang taumbayan tungkol sa posibleng pagpapaliban ng halalan, naunang sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na ang poll body pa rin ang may pinal na desisyon kung itutuloy ito o hindi.
(RENE CRISOSTOMO)
