BAHA PA RIN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KUNG mayroong nakaligtaan (ata) sa panahon ng pandemya ay ang paglilinis sa mga kanal at estero kaya bukod sa COVID-19 ay asahan na natin ang isa pang problema ngayong papasok na ang “ber’ month… ang baha.

Nitong mga nakaraang mga araw, naobserbahan ko na hindi pa rin talaga nasosolusyunan ang problema sa baha sa Metro Manila dahil konting ulan lang ay lumalangoy sa tubig ulan ang mga sasakyan sa ilang lansangan.

Hindi pa dumarating ang mga malalakas na ulan sa Metro Manila. Sa mga probinsya pa lamang bumubuhos ang malalakas na ulan sanhi ng mga nagdaang mga bagyo kaya doon nagbabaha lalo na sa ­Mindanao.

Kokonti pa lamang ang ulan na naranasan ng mga taga-Metro Manila pero bumabaha na talaga lalo sa ilang mabababang kalsada na indikasyon na barado pa rin ang mga daluyan ng tubig.

Tuwing summer dapat maglinis ng mga kanal at estero ang Local Government Units (LGUs) pero mukhang hindi ito nagawa dahil naging abala sila sa paglaban sa covid-19 na in-export ng mag-asawang Chinese national mula sa Wuhan City China sa ating bansa noong Enero.

May nakita tayong mangilan-ngilan na naglinis ng mga kanal pero hindi yun sapat para maibsan ang pagbaha sa Metro Manila kapag panahon ng malalakas na ulan na palagay ko ay parating na.

Ang dapat kasi mag-usap-usap ang mga LGU sa Metro Manila. Magtakda ng araw na sabay-sabay maglinis ng mga estero at kanal sa nasasakupang lungsod upang masiguro na dumaloy ng maayos ang tubig baha sa mga ilog.

Ang nangyayari kasi, kanya-kanya ang LGUs sa paglilinis sa mga daluyan ng tubig. Kumwari, kahit maglinis ang Lungsod ng Maynila kung hindi maglinis ang Quezon City ay walang mangnayari.

Ang mga basura ng Quezon City ay pupunta dun sa mga kanal at estero na nilinis na ng Lungsod ng Maynila kaya wala ring mangyayari, magbabaha pa rin. Nagsayang lang ng pondo.

Bakit hindi magtakda ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng araw para sabay-sabay na maglinis ang lahat ng LGUs sa Metro Manila sa kanilang mga estero at kanal?

Naglilinis din ang MMDA pero dun lang sa madalas binabaha ang nililinis. Hindi ba kayo magtataka bakit hindi nauubos ang mga basura sa mga kanal kahit anong linis nyo?
Isisisi nyo lagi sa mga tao ang baha dahil hindi marunong magtapon ng basura sa tamang tapunan ang hindi niyo naiisip (o ayaw niyong isipin) ay yung basura na nasa mga kanal at estero ay malamang ay galing sa ibang lungsod na hindi nyo nilinis.

Magkakadugtong ang mga daluyan ng mga tubig lalo na ang mga estero sa Metro Manila kaya kahit maglinis ng maglinis ang isang LGUs kung hindi naman naglilinis ang katabing siyudad ay wala ring mangyayari. Sayang ang pondo at panahon.

Kahit nasa gitna tayo ng pandemya sa COVID-19, dapat maglinis pa rin ng sabay-sabay ang LGUs sa mga kanal at estero para hindi magtagal ang baha sa mga kalsada kapag umulan. Kilos na po kayo!

347

Related posts

Leave a Comment