COTABATO CITY – Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang lalaki habang anim na iba pa ang malubhang nasugatan nang paulanan ng bala ang kanilang bahay sa lungsod na ito, noong Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Office, ang mga napatay ay kinilalang sina Ato Malindatu at isang alyas “Mugia”.
Sugatan naman sina Amar Piang, Nando Malindatu, Datu Nilan Agar, Datu Norman Pasawilan, Mohaymim Ali at Datu Ali Balabaran, pawang mga residente ng Barangay Kalanganan 2, Cotabato City.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Cotabato City PNP, bandang alas-7:00 ng gabi nang biglang pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga suspek ang bahay ng mga biktima gamit ang matataas na uri ng armas at saka mabilis na tumakas.
Nagawa namang maitakbo agad sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga sugatan ngunit dalawa sa kanila ang idineklara ng mga doktor na dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril sa mga biktima. (JESSE KABEL)
