Bahay ng massacre suspect sinalakay ARMAS, PAMPASABOG, BALA NADISKUBRE

BUMULAGA sa mga tauhan ni PNP-PRO5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang samut saring baril, mga bala at pampasabog nang salakayin nila ang bahay ng suspek sa malagim na Camarines Sur massacre na ikinamatay ng lima katao, tatlo rito ay mga bata.

Ayon kay Gen. Estomo, bumungad sa mga operatiba na nagsagawa ng law enforcement operation, ang iba’t ibang uri ng baril, pampasabog at bala sa bahay mismo ng suspek sa pamamaril ng limang magkakaanak sa bayan ng Milaor noong gabi ng ika-5 ng Nobyembre 2021, na target ng kanilang manhunt.

Armado ng search warrant na inilabas ng RTC, 5th Judicial Region, Branch 21, Naga City, sinalakay ng mga awtoridad ang tirahan ng suspek na si Arthur De Leon y Nullan alyas “Puto” sa Zone 1, Brgy. Tarusanan, Milaor, Camarines Sur.

Ginalugad nang pinagsamang mga operatiba ng Milaor MPS; PIU CSPPO; 1st at 2nd Camarines Sur PMFC; SWAT Iriga CPS; at Camarines Sur Provincial EOD at K9 Unit, ang nasabing bahay at natagpuan ang isang .45 kalibre colt pistol na may isang magasin at loaded ng pitong bala; isang hand grenade HE M2649; isang Taurus caliber .45; dalawang magasin para sa Taurus caliber .45 at loaded ng limang bala bawat isa; isang magasin loader; isang leather holster; isang black pistol case; isang basyo ng kalibre 2mm; isang basyo ng kalibre 50 pistola; isang ammunition case na may 33 na bala para sa kalibre .45; isa pang ammunition cases na naglalaman ng 49 piraso ng bala para sa caliber .45; isang Sagittarius Air gun, at isang Taurus ML Adello air tank.

Samantala, patuloy ang manhunt operation ng PNP Bicol laban sa naturang suspek at may nakahanda ring pabuya sa halagang P600,000 para sa sino mang makapagtuturo sa pinagtataguan nito.

Kahapon ay inihatid sa kanilang huling hantungan ang labi ng mga biktima habang ang isa sa mga nakaligtas ay patuloy na nagpapagaling sa pagamutan. (JESSE KABEL)

168

Related posts

Leave a Comment