DIGOS City – Dalawa ang sugatan makaraang hagisan ng granada ang bubong ng bahay ng isang negosyante sa Purok Waling-Waling, Abella Subd., Brgy. Zone 1 sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga sugatan na sina Benjamin Deluao Abne, 7-anyos, at Lanja Devibar, 32-anyos.
Ayon kay Lieutenant Col. Vici Anthony Tababa, hepe ng Digos City Police Station (DCPS), dakong alas-3:50 ng madaling araw noong Martes nang pasabugan ng granada ng hindi kilalang suspek ang bahay ni Billy Jhay Abne, 43, may asawa, nasabing lugar.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Center (CDRRMC) at dinala ang mga sugatan sa Llanos Hospital.
Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives at Explosive Ordnance Division sa crime scene, natagpuan ang isang safety lever at safety pin ng granada.
Ayon sa salaysay ng isang testigo na si alyas “May,” narinig niyang may dumaang motoriskklo at pagkaraan ng ilang sigundo ay umalingawngaw ang malakas na pagsabog. (DONDON DINOY)
179
